Certified Kapuso na si Angelika dela Cruz kung saan may gagawin itong teleserye sa GMA 7. Ayaw na ngang tumanggap ng character role ang magandang aktres pero pumayag uli itong maging bida-kontrabida sa Bumangon Ka’t Dudurugin Kita na papel na ginampanan nun ni Hilda Koronel.
“Tinanggap ko po ito dahil it’s a meaty role at pangarap kong makagawa nang ganitong klase ng teleserye na susubok sa galing ko sa pag-arte. Knowing Hilda na isa sa pinakamagaling nating artista pipilitin kong mabigyan ng justice ang role. Nagpapasalamat ako sa GMA 7 sa pagbubukas muli ng pinto sa akin bilang Kapuso,” aniya.
Nasa kainitan ng career noon si Angelika sa Siete kung saan binansagan siyang Princess of Soap Opera at namayagpag bilang bida sa mga teleserye nang lumipat sa Dos kung saan na-typecast siyang kontrabida dun.
Umaasa ito na sana’y maging bida uli siya at pangarap na magampanan ang papel ni Maricel Soriano sa Kaya Kong Abutin Ang Langit.
* * *
Na-impress kami sa trailer ng Lobo na pagtatambalan nina Piolo Pascual at Angel Locsin. May nagtatanong kung hindi kaya naghubo’t hubad ang aktres sa transformation scene? Tinanong namin si Becky Aguila tungkol dito at sinabing abangan na lang namin ito na mapapanood na sa January. Pero may ilang staff ng teleserye ang nagsabing naghubo’t hubad nga si Angel kaya realistiko ang paglalarawan sa transformation scene bilang lobo.
* * *
Nakakwentuhan ko si Mommy Zeny at masayang ibinalita na two-months preggy ang anak na si Gladys Reyes. Last week lang ay nagkausap kami at sinabing hindi pa handa ang anak na magka-baby kahit two years na sa Enero si Kristoffe. Nagsuka lang at nahilo si Gladys at laging mainitin ang ulo. Sinabi naman ng kanyang doktor na hindi makakaapekto sa kanyang pagbubuntis ang anti-rabies injection nito gawa ng kagat ng pusa.
Umaasa si Gladys at asawang si Christopher Roxas na sana’y baby girl ang sumunod na anak at gusto nilang pangalanan ito ng Angelina Chloe.
* * *
Nakakatawa naman ang kuwento sa akin ng isang source na kapag gustong magpaselos ng sikat na aktres sa kanyang sikat ding boyfriend na aktor ay gumagastos at nagpapabili ito ng mga roses sa kanyang alalay laluna sa mahahalagang okasyon.
Kapag nagtanong ang boyfriend ay sasabihin niyang admirer niya ang nagpadala kaya pagsisimulan ito ng kanilang tampuhan. Bili nang bili ng roses ang aktres para iparamdam na kahit may nobyo na siya ay marami pa rin ang nagkakagusto sa kanya. Yun nga lang ang pambili ng bulaklak ay galing sa sarili niyang bulsa. May pagka-ilusyonada din ang aktres, di ba?