May namamagitan palang hidwaan ngayon sa dalawang malalaking aktor. Hindi lang sila lantarang nagsasalita, parang wala tayong nararamdaman, pero may tampuhan pala sila.
Meron daw kasing mga sinabi noon si Actor A na masyadong dinamdam ni Actor B. Masyado raw kasing personal ang mga naging banat nito sa kanya, nakarating sa kanya ang lahat ng komento ni Actor A, dahil napakaliit lang naman ng showbiz.
Hindi raw puwedeng magtagpo ngayon sa isang lugar lang ang dalawang aktor, nag-iiwasan sila, dahil baka may mangyaring hindi nila kontrolado dahil tao lang naman silang nasasaktan.
Sabi ng aming source, “Masyado naman kasing mayabang si— (pangalan ni Actor A), ang akala niya naman kasi, e, siya na ang pinakamatalinong tao sa buong mundo.
“Masyado siyang conceited, suplado, masyado siyang believe sa sarili niya. Kita n’yo, nasaan na ba siya ngayon, tatay na lang siya ng anak niya dahil wala siyang projects!” komento ng aming impormante.
Si Actor B ay aktibo pa rin sa kanyang propesyon, pero bukod dun ay abala rin siya ngayon sa negosyo nilang mag-asawa, nakakabusog ang kanilang produkto.
* * *
Kausap namin kahapon nang umaga si Tito Reli de Leon, kaibigan namin na kaibigan din at pinagkakatiwalaan nina Senator Robert Jaworski at Manny Pacquiao, katatapos lang nilang mag-usap ni Pacman nung tumawag siya sa amin.
Nabasa ni Tito Reli ang sinulat namin sa pahayagang ito, sa PM at sa isa pang diyaryong pinagsusulatan namin, yun ang dahilan nang maaga rin niyang pagtawag kay Manny.
Simulang sabi ni Tito Reli, “Hindi totoong idedemanda ka ni Manny, ikaw ang huling taong papasok sa isip niya para gawan ng ganun, walang katotohanan yun.”
Naglabas din kami ng sentimyento kay Tito Reli, nasaktan kami sa balitang nakarating sa amin, kahit sa panaginip lang kasi ay hindi pumasok sa aming isip na pagtatangkaan kaming kasuhan ng libelo ng boksingero nang dahil lang sa mga sinulat naming pagkontra sa kanyang mga ginagawa na bahagi ng isang malayang pamamahayag.
“Naku, kakakausap ko lang sa kanya ngayon, maliwanag ang sinabi niya na hinding-hindi niya yun magagawa sa iyo dahil naiintindihan niya ang propesyon mo.
“Sabi nga ni Manny, hindi naman siya perpekto, kaya natural lang na kung minsan, meron siyang mababasa na hindi man niya gusto, e, kailangan niyang tanggapin dahil hindi nga siya perfect.
“Paalis lang siya ngayon papuntang Portland, Oregon, dun kukunan ang commercial niya ng Nike, pero gusto niyang magkita kayo sa pagbabalik niya next week,” sabi uli ni Tito Reli.
* * *
Isang malapit din kay Manny Pacquiao na nandun mismo sa presscon ang nagpaliwanag sa amin na walang diretsong sinabi si Pacman sa interbyu ng Startalk na idedemanda niya kami ng libelo.
“Ang hirap naman kasi sa kanila, kung ano ang gusto nilang mangyari, yun ang kailangan nilang ipasabi sa artista. Walang sinabi si Manny na ganun, linawin muna sana nila ang kuwento bago nila iparating sa mga taong gusto nilang paratingan,” sabi nito sa amin.
Hindi namin pinanghihimasukan ang atake ni Gorgy Rula sa pag-iinterbyu, kani-kanyang paraan lang yan, pero mahalagang malaman din namin kung ano ang totoong nangyari.
“Paulit-ulit niyang tinatanong si Manny, pero wala namang sinasabi si Manny na idedemanda ka. Yung reporter ang nagsasabi ng gusto niyang sabihin ni Manny, hindi si Manny mismo,” sabi pa nito.
Pero totoong maraming amuyong na nakapaligid ngayon kay Pacman na nagsusulsol sa kanya para sampulan kami ng kasong libelo, yun ang mga taong wala naman nung hindi pa kampeon ang boksingero, malaki kaya ang magiging kompensasyon ng taong yun kung kakampihan nila nang kakampihan ang kanilang bossing?