Sabrina M. sa ilalim ng tulay nakatira

Para kay Korina Sanchez ay tapos na sana ang hindi nila pagkakaunawaan ni Manny Pacqiao, meron nang namagitang kaibigan sa kanila, pero mukhang mauungkat na naman ang isyu dahil sa sinabi ni Pacman sa Startalk na nagtataka raw siya kung bakit nagagalit sa kanya ang news anchor samantalang wala naman siyang ginagawang masama dito.

Ito naman si Pacman, mukhang nakalog ang kanyang utak sa huli niyang laban, alam niya sa kanyang sarili kung ano ang ginawa niya kay Korina na nagresulta sa galit din nito sa kanya.

Maayos na sana ang sitwasyon, pero salita pa siya nang salita, kapag nagpakawala uli nang maaanghang na salita si Korina laban sa kanya ay bahala na siya sa buhay niya.

Ginagawa na nga ng mga taong namamagitan sa kanila ang lahat para matapos na ang gulo, alam naman ni Manny na siya ang mali, pero siya pa itong salita nang salita.

Sa sukatan ng kung sino ang mas nangangailangan kanino ay kailangang tanggapin ni Pacman na siya ang mas nangangailangan kay Korina, alam din niya kung ano ang nagawa niyang mali kontra sa news anchor, kaya mas maganda kung pipigilin na lang niya ang paggalaw ng kanyang dila tungkol sa kontrobersiya.

Sabi ng isang naghuhugas-kamay niyang amuyong, “Alam n’yo naman ang takbo ng utak ni Manny, kapag A ang sinabi mo sa kanya, B ang ginagawa niya!

“Wala kaming magagawa dahil siya ang nakaharap sa mikropono, hindi naman kami, matigas ang ulo ni Manny!” sabi nito.

Ngayon sabihin ng kanyang kampo na ang mga taong nakapaligid sa kanya ang nagsabing huwag siyang magpunta sa Maynila nung dumating siya para dumalo sa pagtitipong pinaghandaan ng lungsod na pinamumunuan ni Mayor Alfredo Lim.

Sino ngayon sa kanya at sa mga taong nakapaligid sa kanya ang nagsasabi ng katotohanan?

* * *

Nakalabas na sa ospital ang ina ni Sabrina M, sumailalim sa breast operation ang ina ng dating sexy star, matagal na hindi nakalabas sa ospital si Mommy Baby dahil sa kakapusan ng pambayad sa kanyang bill.

Hindi alam ng kanyang pamilya kung saan nandun si Sabrina ngayon, nung minsan daw ay nag-text siya sa kanyang ina, pero hindi naman siya dumadalaw man lang.

Merong kuwentong lumulutang ngayon na naghihirap na raw ang dating sexy star at nakatira na lang sa ilalim ng tulay, wala namang nakakaalam kung saan tulay siya nakatira, sa dami ng tulay sa Metro Manila.

Ilang taon na ang nakararaan ay nagkaroon ng boyfriend si Sabrina, si Konsehal Abel Viceo, sa ngalan ng maganda nilang pinagsamahan ng dating sexy star ay ito ang naglabas kay Mommy Baby sa ospital.

Ito ang nagbayad sa malaking inabot ng hospital bill ni Mommy Baby, ito rin ang sumundo at nag-uwi sa ina ni Sabrina sa pamamagitan ng kanyang ambulansiya, kaya ganun na lang ang pasasalamat sa konsehal ng pamilya ni Sabrina.

Ang gastusin ay hindi natatapos sa paglabas ni Mommy Baby sa ospital, tuloy ang kanyang gamutan, mahal ang mga gamot para sa kanyang sakit at ‘yan ang iniintindi ngayon ng ina ni Sabrina.

Harinawang magkaroon ng milagro para sa paggaling ni Mommy Baby, at kahit wala siyang maitutulong sa pampinansiyal na aspeto, harinawang dumalaw na si Sabrina sa kanyang ina para mapahinga na ang kalooban nito.

Mahirap sa isang maysakit ang namomroblema pa, yun ang mas nagpapahina sa kanyang naturalesa, sumisigla ang maysakit kapag alam nitong maayos ang kanyang pamilya.

Kung nabigo man si Sabrina sa pakikipag­relasyon ay hindi lang naman siya ang nag-iisang taong nakaranas ng ganun. Kung nagbisyo naman siya ay meron pang sapat na panahon para magbago siya, ang masama ay kung nagpapatalo siya sa bisyo, yun ang wala nang kagalingan sa mundong ito.

Sabi ni Mommy baby, “Pakisulat lang ang mabuting puso ni Konsehal Abel Viceo, hindi namin siya kadugo pero kung hindi dahil sa kanya, baka nabulok na ako sa ospital.”

Show comments