Eula Valdez nagmukhang matanda

SEEN: Mga babae ang fans ni Dennis Trillo at kung hindi magiging maingat ang aktor, sila rin ang magiging dahilan ng downfall ng kanyang showbiz career.

Ang pagsasampa ng kaso (grave scandal at oral defamation) sa korte noong Martes ang sagot ni Cristine Reyes sa panunugod sa kanya ni Carlene Aguilar sa taping ng isang TV show noong nakaraang Miyerkules. Wala pang statement si Carlene sa aksyon na ginawa ni Cristine laban sa kanya pero tiyak na hindi siya natutuwa.

Naging malaki na ang away ng rumored girlfriend ni Dennis at ng ina ng kanyang anak pero nasaan siya?  Si Dennis ang puno’t dulo ng gulo dahil siya ang ugat ng pag-aaway nina Carlene at Cristine.

Galit kay Dennis ang mga babae na miyembro ng Pilipino Star Gossip Group dahil base sa series of events, lumalabas na pinaniwala niya si Cristine na wala na silang relasyon ni Carlene at pinaniwala niya si Carlene na hindi totoo ang mga tsismis na may relasyon sila ni Cristine.

Dumating na ang kinatatakutan ng kampo ni Dennis, ang negatibong resulta ng kanilang pasya na itago sa publiko ang pagbubuntis at panganganak ni Carlene sa Amerika dahil baka makaapekto ito sa career ng aktor.

Hindi pa nalilimutan ng PSG ang strong denial ni Dennis noong June 2007 na hindi siya ang ama ng ipinagbubuntis ni Carlene. Kung naging madali kay Dennis na i-deny ang sariling anak, bakit hindi ang relasyon niya kina Carlene at Cristine?

Magkaaway ngayon ang dalawang babae dahil sa pagmamahal nila sa isang lalake na tahimik lamang sa gitna ng mga kaguluhan na siya ang nagsimula. Bakit sina Cristine at Carlene ang kailangang magpasan sa problema na resulta ng dishonesty ni Dennis na mas pinahahalagahan ang kanyang career?

SCENE: Naunahan pa ni Cristine Reyes sa pagsasampa ng kaso sina Piolo Pascual at Sam Milby. Lampas na ang sampung araw na ibinigay na taning ng abogado ni Sam para i-retract ni Lolit Solis ang kuwento nito na nakita niya sa Sofitel ang dalawang aktor. Humanga kay Cristine ang PSG dahil ginawa niya ang sa kanyang palagay ang nararapat. Hindi niya ipinaalam sa press ang kanyang balak para hindi siya maakusahan na gumigimik.

SEEN: Mainit ang pagtanggap ng GMA 7 kay Eula Valdez na ipinakilala bilang bagong Kapuso sa  launching ng Kamandag. Matagal na hindi napanood sa telebisyon si Eula na hindi pinaghandaan ang kanyang pagbabalik.

Payat na payat na Eula ang humarap sa mga reporter. Kung  naging conscious si Eula sa physical appearance, mapapansin niya na tumanda nang husto ang kanyang mukha. Obligasyon ng mga artista na maging maganda ang kanilang mga itsura sa paningin ng fans at  hindi na ito dapat ipaalaala kay Eula na kamukha na ni Didith Reyes, post Nananabik days.

SCENE: Nagkaubusan ng pagkain sa mga presscon ng Princess Sarah ng ABS-CBN at Kamandag ng GMA 7. Sa presscon ng Princess Sarah, mas marami pa ang bilang ng  mga kasama at alalay ng mga batang artista at sa Kamandag, bale-wala ang meal stub dahil naubos agad ang pagkain.

Walang kasalanan sa mga ganitong pagkakataon ang presscon organizer. Dapat magkusa ang mga artista na huwag magsama ng santambak na alalay dahil ang mga press conference ay para sa mga invited reporter at hindi para sa kanila.

SEEN:  Hindi mukhang prinsesa si Sharlene San Pedro ng Princess Sarah. Mukhang prinsesa pa ang kapwa child star na umaapi sa kanya. Hindi taglay ni Sharlene ang charm na nagpasikat noon kay Camille Pratts, ang unang Filipino child star na gumanap bilang Princess Sarah.

Show comments