Nagkaroon ng unang papresscon ang pelikulang pang-MMFFP ng Regal na Shake, Rattle & Roll 9 at nakatutuwang pagmasdan ang mga artista ng dalawang magkaribal na networks na masasayang nagtatrabaho ng magkakasama.
Sina Dennis Trillo at Roxanne Guinoo, magkatambal for the first time sa Bangungot episode na dinidirek ni Michael Tuviera. Kung wala si Mother Lily, parang imposibleng magkapareha ang dalawa.
Si Mart Escudero, tatangkain pang agawin si Melissa Ricks kay Matt Evans, siyempre magtatagumpay ba siya, papayag ba si Pedro Penduko? Dadaan siya sa ibabaw ng bangkay nito, kahit pa sabihin pa na magiging obsesyon si Matt ni Katrina Halili sa Engkanto episode ng movie ni Toppel Lee.
Sa Christmas Tree ni Paul Daza, magkakahalo rin ang Kapamilya at Kapuso stars –Lovi Poe, John Prats, Nash Aguas, Gina Alajar, Boots Anson Roa, Sophia Baars at Tonton Gutierrez.
Si Pauleen Luna, taga-GMA 7 ngayon, muling makakasama ang mga artista sa iniwan niyang ABS CBN.
Sabi ng mga artista, hindi sila nagkailangan, nakalimutan nga nila na kabilang sila sa dalawang magkaribal na istasyon. Nag-enjoy silang magkakasama.
Tulad ni Aga Muhlach, nangangarap din ako sa pagdating ng panahon na walang magiging hadlang sa pagsasama ng mga artista ng magkalabang networks sa mga proyekto, at mawala na rin ang kompetisyon gaano man nila sabihing friendly ito.
Ang ginagawa ni Mother Lily ay isang malaking hakbang tungo sa katuparan ng pangarap kong ito.
* * *
Walang kinalaman sa demand ni Cristine Reyes na palitan ang director niya sa launching movie niyang Green Paradise dahil ang mismong director na inireklamo niyang si Bing Santos, ang nagpasyang kumuha ng isang co-director mula sa Hongkong para sa international version ng pelikula.
Ito si Kant Leoung, nagtuturo ng filmmaking sa Wha’s Brothers sa Mainland China, gumawa rin ng mga pelikulang Violent Cop, Demon Baby, Ultimatum, Special Police Force, Romantic Story, The Sisters at Psycho Lady.
Bagaman at medyo mali-late ang Green Paradise dahil sa ginawang pagwo-walk out ni Cristine, masaya ang New City Entertainment Production, producer ng movie, na nanaig ang propesyonalismo ni Cristine at nag-decide na tapusin na ang movie.
* * *
Muling gumanda ang career ni Jennylyn Mercado. Madalas ko na naman itong napapanood sa mga palabas ng GMA7, tulad ng La Vendetta na isang magandang role ang ginagampanan niya.
Anuman ang sabihin nila talagang maganda ang tambalan nila ni Mark Herras.
Meron talaga silang chemistry. Sana lang huwag nila itong sirain, kahit hindi na sila, dahil ang tandem nila ang magdadala sa kanila sa ibayong tagumpay.
Sina Vilma Santos nga at Christopher de Leon, tinanggap ng manonood kahit hanggang sa screen lang ang pagpapareha nila.
At sana hindi maging kontrabida ang respective partners nila at hindi magselos sa kanilang team up.
Anumang magandang oportunidad na tinalikdan ni Angel Locsin sa kanyang paglipat, pwedeng makuhang lahat ito ni Jennylyn.