Sexy Star hinahanap ng inang may kanser

 

Nasa ospital ngayon ang ina ng isang dating sexy star, hindi biro ang da­hilan ng pagkakaospital nito, inoperahan ang ina ng dating sexy star dahil sa cancer.

Nakikiusap ang kanyang ina sa mga kaibigan kung maaari silang matu­lungan, napakalaki ng bayarin nila sa ospital, habang hindi ito lumalabas ay lalong lumalaki ang kanilang hospital bill.

Hinahanap ng mga kaibigan ng pamilya kung nasaan ang sexy star, ano ang ginagawa niya ngayon, bakit hindi man lang niya matulungan ang kanyang ina sa matinding problema nito?

May kuwentong kumalat noon na iginarahe na siya ng isang mayamang DOM, sunod daw sa luho ang sexy star, kaya bakit hindi man lang siya tumutulong ngayon sa problema ng kanilang pamilya?

Ayon sa isang source ay hiniwalayan pala ng DOM ang sexy star dahil nahuli siyang nakikipagkita sa isang bagets, nalaman ng DOM na ang perang ibinibigay nito sa kanya ay ibinibigay-ginagastos niya naman sa kanyang boyfriend na batambata pa, ang bagets na yun ang naging karelasyon ng sexy star nung maghiwalay na sila ng DOM.

“Pero may bisyo sila, nahawa na yung sexy star sa boyfriend niya, pareho na silang nagbibisyo ngayon kaya parang itinakwil na ang sexy star ng pamilya niya,” kuwento ng aming impormante.

Ang sexy star na ito ay sumikat din noon, nakaenkuwentro pa nga niya ang isang kontrobersiyal at palabang aktres dahil sa isyu ng pagkakaroon nito ng anak, pero ilang taon nitong itinago.

Nilait-lait siya ng palabang aktres, hindi rin naman siya nagpatalo, kaya naging personalan ang labanan nila noon. Naging laman sila ng mga pahayagan na pintasan nang pintasan, bida rin sila sa mga talk shows, pero mas nagkaroon ng bentahe ang kalaban niyang sexy star din dahil may sarili itong talk show.

Maigsi lang ang pangalan ng sexy star na ito, wala pa nga siyang kumpletong apelyido, isang letra lang ang ginagamit niya.

* * *

Hanggang ngayon ay hindi pa rin umuuwi sa kanilang bahay si Danita Paner, humingi na ng tulong sa NBI si Tita Daisy Romualdez para matunton kung nasaan siya, pero mukhang hindi pa handang umuwi ang dalaga sa poder ng kanyang ina.

Nung nakaraang Biyernes ay nagpunta sa opisina ng NBI si Kean Cipriano, ang bokalista ng sikat na bandang Callalily na naging karelasyon ng dalaga, may duda si Tita Daisy na may alam ang binata sa paglalayas ni Danita.

Ipina-subpoena rin ni Tita Daisy ang iba pang mga taong pinagdududahan nito na kumukupkop kay Danita, pero nung mismong Biyernes ng gabi ay nagpunta si Danita sa ABS-CBN para magpa-interview sa The Buzz.

Ayon sa aming source ay iyak nang iyak si Danita nung hindi pa nagsisimula ang panayam, kalayaan lang daw naman ang hinihiling ng dalaga, tutal naman ay nasa wastong edad na siya ngayon.

Naiintindihan daw naman niya ang paghihigpit ni Tita Daisy sa kanya dahil babae siya, pero pananakal na raw ang ginagawa nito sa kanya, binabantayan daw ni Tita Daisy ang lahat ng kanyang kilos na ikinasasakal niya.

Harinawang nasa magagandang kamay si Danita habang wala siya sa poder ng kanyang ina, nasa kasibulan ngayon ang dalaga, ang mga kabataang nasa ganung edad ay madaling suma­bay sa kaway ng bisyo.

Madali ring unawain ang ipinaglalaban ngayon ni Tita Daisy, ito ang kumupkop, nagpalaki at nagbigay ng magandang buhay kay Danita, kung aso nga naman ang nawawala ay hinahanap natin  tao pa kayang inaruga at minahal natin ang hindi?

* * *

Nasa bansa ngayon ang ina ni Cogie Domingo, nung magkaroon ng wild fire sa Amerika ay tawag siya nang tawag dun, naranasan na pala ni Mommy Zennie ang ganun nung bago-bago pa lang siyang naninirahan sa California.

“Napakalakas talaga ng hangin, pati kotseng tumatakbo, tumataob sa sobrang lakas. Babasagin talaga ang mga salamin ng bahay mo, kaya ang ginagawa ko, binubuksan ko nang bahagya ang mga bintana para walang pressure,” kuwento niya.

Wala namang gaanong nasalanta sa Lancaster kung saan sila may bahay, pero maraming kaibigan niya ang nasunugan, mistulang impiyerno raw ang unang nasaksihan ni Mommy Zennie nung magkaroon ng wild fire sa Amerika.

Hindi na namin gaanong ikinagulat ang kuwento ng wild fire dahil sa madalas naming pagtutok sa CNN, ang ikinagulat namin ay ang pagkikilala nila ni Angel Locsin sa Amerika, nakarating na pala ang dalaga sa kanilang bahay sa Lancaster.

“Magkakilala na kami sa States pa lang, she was introduced to me by Cogie when they went to our house, mabait ang batang yun, marespeto, saka maganda siya,” paglalarawan ni Mommy Zennie kay Angel Locsin.

Show comments