Nasa palabang estado pa rin si Korina Sanchez, madaling intindihin yun dahil kung pinakinggan lang ng mga ehekutibo ng Dos ang gusto ni Manny Pacquiao ay matagal na siguro siyang walang trabaho, sa kanyang programa kahapon sa DZMM kasama si Ted Failon ay nagbigay uli ng komento ang matapang na anchorwoman.
Ayon kay Ate Koring, sa lahat ng sinabi ni Manny bilang depensa ay isa lang ang totoong-totoo, ang sinabi ng boksingero na hindi nito kayang magpatanggal ng isang tao sa trabaho.
Ang sabi ni Korina ay mabuti naman daw at alam yun ni Manny, sinabi rin ng anchorwoman na kahit maging super-universal at inter-galactical champion pa ito sa larangan ng boksing ay hindi pa rin ito binibigyan ng karapatang magpatanggal sa trabaho sa kahit sino.
Madiin ding sinabi ni Korina na anumang bagay na sinasabi niya ay pinaninindigan niya, anuman ang mangyari ay wala siyang tatalikuran, dahil meron siyang paninindigan.
Nilinaw rin nila ni Ted na kahit kailan ay hindi nila naging paksa sa kanilang pang-umagang programa sa DZMM ang pagiging sugarol ni Manny, kaya walang katotohanan ang isyu na sinabi nilang hindi dapat suportahan ng ating mga kababayan si Pacman dahil sugarol ito, day dahil hindi nga nila nagiging paksa yun sa kanilang programa.
Sa swabe, pero madiing pananalita, ay hinamon ni Korina si Pacman na subukin uli nitong gawin ang pagpapatanggal sa kanya. Masakit na masakit yun para sa news anchor, dahil ang kanyang katwiran ay hindi naman gawa-gawa lang ang inilabas niyang survey nung nakaraang eleksiyon na bagsak sa rating si Manny, kundi isang opisyal na resulta ng ginawang survey sa GenSan.
Maraming kababayan din natin ang nagagalit ngayon kay Manny dahil sa sinabi nito na kaya hindi umuunlad ang buhay nating mga Pinoy ay dahil sa inggit.
Sana raw ay magdahan-dahan sa pagsasalita si Manny dahil ang mga Pilipinong tinutukoy nitong nabubuhay sa inggit ay ang mismong mga taong nanalangin para sa kanyang tagumpay mula pa noon.
Ganun ang dating ng sinabi ni Pacman, pero sa ngalan ng pagi ging parehas ay hindi naman nilahat ni Manny ang ating mga kababayan, ang sinabi ng boksingero ay karamihan lang at hindi lahat.
Pero ayaw tanggapin ng mga kausap namin ang ganung paliwanag, masakit daw talagang magsalita si Manny, kaya wala na silang pakialam mula ngayon sa mga susunod pang laban ni Pacquiao.