Kahapon nang umaga ay kumawala ang emosyon ng premya dong news anchor na si Korina Sanchez sa kanilang programa ni Ted Failon sa DZMM. Highblood si Ate Koring, tahasan niyang sinabi na totoong si Pacman ang pinakamagaling na boksingerong nadiskubre ng Pilipinas, pero si Manny Pacquiao din ang pinakamayabang at pinakamaangas na boksingerong nagkaroon ang bansang ito.
May pinagmulan ang komentarista, binalikan niya ang mga araw na pinilit brasuhin ni Pacman ang isang network para alisan ng trabaho ang isang reporter, hindi raw nagustuhan ng boksingero ang report nito tungkol sa kandidatura ng People’s Champion nung nakaraang eleksyon.
Ayon kay Ate Koring ay kinausap ni Manny ang ehekutibo ng istasyon, isinumbong ang mga ginawa sa kanya ng reporter, na umabot sa pagtatangka ni Manny na tanggalan ng trabaho ang nasabing reporter.
“At alam mo ba, Ted, ang sabi pa ni Manny, eh, palagi raw niyang pinagbibigyan ang reporter na yun para sa interview, pero binibira pa siya, teka muna!
“Hindi niya dapat isumbat yun sa reporter, dahil nagkatulungan lang naman sila. Hindi niya dapat sabihing may utang na loob sa kanya ang reporter na yun, dahil kung tutuusin, eh, siya pa nga ang dapat magpasalamat, dahil gumanda ang imahe niya!” madiing sabi pa ni Korina.
Napakaraming tumawag sa amin nang dahil dun, tinatanong kami ng ating mga kababayan kung sino ang reporter-komentaristang pinagtangkaan alisan ng trabaho ni Pacman, sino raw ba ang taong tinutukoy ni Korina?
Alam namin ang kabuuang kwento nun dahil parehong malapit sa amin sina Manny at Korina, pero kahit minsan ay hindi namin inilabas yun sa alinmang kolum namin, pero dahil nabuksan na ang paksa ay pwede na naming pakialaman ang isyu.
Ang reporter-komentaristang tinutukoy ni Korina na pinagtangkaang ipatanggal sa trabaho ni Pacman ay siya mismo, si Korina Sanchez, kaya niya nasabing si Pacman ang pinakamayabang na boksingerong natuklasan ng bansang ito.
* * *
Tinawagan na kami nina Manny at Jake Joson nung Huwebes nang hapon para magpaliwanag ng kanilang panig tungkol sa hindi pagsipot ni Pacman sa selebrasyong ihinanda ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Ayon sa kanila ay nakarating ang imbitasyon sa kanila nung tapos na ang laban, hindi na raw maaring isingit pa yun sa kanilang intinerary, dahil ang Malacañang ang nag-ayos sa kanilang iskedyul.
Dapat nga raw sana’y Biyernes nang madaling-araw pa ang kanilang uwi mula sa Las Vegas, pero kinailangan nilang gawing Huwebes yun, dahil aalis daw si PGMA kahapon.
Ayon kay Manny ay walang halong pulitika ang nangyari, matagal na raw nilang plano na ang presscon niya ay gaganapin sa opisina ng DENR, kung saan si dating Mayor Lito Atienza ang tagapamuno.
Hindi rin daw siya pwedeng pumunta dun pagkatapos ng presscon dahil meron pa siyang guesting sa Sis, meron pa siyang kailangang daluhang pagtitipon sa Brent School para sa kanyang mga anak at meron pa raw party para sa kanilang anak na si Princess.
Inuunawa namin ang paliwanag ng kampo ni Pacman, pero kailangan din naming unawain ang emosyon ng mga Manilenyo, lalo na ang mga taong naglaan ng oras para buuin ang dapat sana’y hero’s welcome para sa kanya.
Hanggang ngayon ay negatibo pa rin ang dating ni Manny sa ating mga kababayan, lalo na sa mga Manilenyo, dahil kinilala raw siyang adopted son ng Maynila at hindi naman adopted son lang ni dating Mayor Lito Atienza.
Matatagalan pa bago humupa ang isyung ito, nakalulungkot lang isipin na hindi ang pagtatagumpay ni Pacman ang nasentruhan ng publiko, kundi ang lantaran niyang hindi pagbibigay-halaga sa ginawa para sa kanya ng kampo ni Mayor Alfredo Lim.
Sabi pa ng mga texters naming, “Darating din ang araw ng pagkatalo ni Pacman, pero ang May nila, laging nandito lang. Huwag siyang mayabang, natuto lang siya ng carabao English, eh, ang hambog-hambog na niya!” sabi pa ng ating mga kababayang Manilenyo.
Nakapanghihinayang na tagumpay.