Tama nga siguro ang desisyon ni Eric Quizon na balikan muna ang kanyang pagiging isang actor. Una, tatlong taon na rin naman siyang nagdirek ng mga serye sa telebisyon, at siguro nga kung iyon nang iyon ang gagawin mo, nakakasawa rin naman. Kahit na anong galing mo, imposibleng hindi ka maubusan ng ideya.
Isa pa, hindi naman siguro maikakaila ang katotohanan na mas malaki ang kinikita ni Eric bilang isang actor. Bilang isang actor ay leading man caliber na siya, at di hamak na mas malaki ang bayad sa mga artistang nasa ganoong level na kaysa sa pinaka-magagaling mang director.
Ngayon nag-artista siyang muli. Leading man na naman siya sa pelikula nilang Hide & Seek. Sabi nga ni Eric, minsan daw hindi niya maiwasan ang mag-suggest, na ginagawa naman niya noon pa mang araw kahit na hindi pa siya nagdidirek ng pelikula o kahit sa telebisyon lang. May ideya naman kasi talaga si Eric sa pagdidirek dahil na rin sa karanasan niya sa pelikula.
Maski naman ang mga beterano nating mga director ay naniniwala sa kakayahan ni Eric. Mabuti naman at naiintindihan yon ng kanilang director. Kung tutuusin, mas ok naman ang ganoon eh. Kasi ang pagbuo ng isang pelikula, team effort naman talaga dapat yan.
Mas mabuti nga iyong ganoong nagbibigay siya ng mga suggestions, at mga ideya niya dahil nakakatulong iyon sa ikagaganda ng pelikula. Kasabihan na ngang more heads are better than one. Eh si Eric, hindi naman yan maramot sa kanyang mga ideya kaya nagse-share siya kung anuman ang nalalaman niya.
* * *
Hindi namin masisisi si Martin Nievera kung makapagsalita man siya at magbigay ng comment sa naging interview ni Pops Fernandez sa isang local magazine. Expected na namin iyon, lalo na nga’t nadamay sa usapan ang kanyang girlfriend na si Katrina Ojeda. Natural lang dahil sila ang nagsasama sa ngayon, kailangang depensahan naman siya ni Martin sa mga bagay na nasabi ni Pops.
Maliwanag ang paniniwala ni Martin na kaya nagsalita ng ganun si Pops ay para palakihin ang issue dahil sumama ang loob nito sa sinasabing pagtawag ni Katrina sa kanyang mga anak ng “monkeys”, kahit na nilinaw na noon pa man ni Martin na mukhang mali nga ang pagkakaintindi ng nagsumbong kay Pops sa nasabi ni Katrina.
Palagay din naman namin, mukhang tama si Martin na hindi na dapat pang inungkat kung anuman ang naging problema nila siyam na taon na ang nakararaan. Tutal may kanya-kanya na rin naman silang buhay.
* * *
Ang target ng isang gay millionaire ngayon ay isang young male star na medyo nagpapa-sexy na rin ng image. Pilit na ipinagtatanong ng gay millionaire kung totoo raw ang tsismis na bago naging artista ang young male star ay may kaugnayan na rin ito sa mga gays na nakatira malapit sa kanila. Masyado raw interested ang milyonaryo pati sa mga kuwentong nagpapahala ang male star sa isang sementeryo malapit sa kanila.