Hindi namin alam kung maysakit na naman si Jennylyn Mercado sa ginanap na storycon ng bago niyang Indie Film na Manila-West Side Story kasama sina Jacky Woo, Paolo Paraiso at iba pa dahil wala na naman itong matinong sagot sa mga tanong ng press.
Bagama’t nakangiti ang dalaga habang ini-interview ng entertainment press at TV reporters ay parang hindi naman niya nasasagot ng matino ang isyung may tampo siya sa kanyang manager na si Becky Aguila.
Lumabas kasi sa ibang pahayagan na may tampo ang aktres sa manager niya dahil hindi raw siya naaasikaso simula nu’ng lumipat sa ABS-CBN si Angel Locsin dahil doon na raw nakatutok ang nasabing manager.
Kaya’t nang tanungin namin ng harapan si Jennylyn katabi ang manager niyang si tita Becky ay panay ang iling nito at iba ang facial expression.
“Wala naman po akong nakakausap na reporter kaya hindi ko alam ‘yung nasulat,” diin ng dalaga.
Anyway, may nagtsika naman sa amin na pressured daw si Jennylyn ngayon dahil iniipit siya ng GMA management na bitawan na ang manager niyang si tita Becky para mas gumandang lalo ang career niya.
Nabanggit din sa amin ng taga-Artist Center mismo, “Iniipit kasi si Jen ni (name ng bossing) na lumayo sa manager niya, huwag makipag-mabutihan at ipakitang hindi siya pinapansin para magkaroon ng dahilan na iwan niya.” – REGGEE BONOAN