Magiging masaya na ngayon si Nora Aunor at ang pamilya niya. Tapos na kasi ang kaso niya. Makakahinga na siya ng maluwag dahil abswelto na siya. Hindi na siya makukulong. Pati ang mga anak niya, hindi na siguro makakarinig ng masama tungkol sa kanya. Siguro naman uuwi na siya ngayon para ipagpatuloy ang kanyang career dito. Siguro naman hindi ito naapektuhan ng mga pangyayari. Isang magaling na talento si Nora at meron pa siyang maiaambag sa industriya.
* * *
Dasal ko rin na maayos na ni Snooky ang buhay niya. Hindi dapat kahirapan ang sagot sa isang may talentong tulad niya. Marami siyang pwedeng gawin sa buhay niya. Pwede siyang mag-artista at kumita sa pelikula, TV at maski na sa stage. Kailangan lamang ay tamang attitude para makamit niyang muli ang pagtitiwala ng mga producer.
* * *
Masaya ang naging pagdiriwang ng birthday ko. Nagpapasalamat ako sa GMA 7 sa naging suporta nila, gayundin ang mga namamahala nito, lalo na si Atty. Gozon, Mr. Duavit, Wilma, Marivin at lahat-lahat na, pati na rin sina Ogie at Janno.
Salamat din sa staff ng mga programang Sis, SOP at iba pang programa ng Kapuso na nagbigay ng birthday presentation para sa akin.
Sa isang selebrasyon ko sa Pilita’s dumating ang dating Unang Ginang Imelda Marcos at nakipagsaya ito sa mga dumating. Game din itong nakipag-duet kay Pilita Corrales ng “Dahil Sa Iyo”.
Sa lahat ang nakaalala at nagbigay kahulugan sa aking kaarawan, maraming salamat po.
* * *
Wala palang dahilan para mag-alala ako kung mapupuno o hindi ni Billy Crawford ang Araneta Coliseum sa kanyang It’s Time concert. Hindi naman umalog ang Araneta Coliseum. Kung nagkaro’n man ng kaguluhan ito ay dahilan sa walang katapusang paghingi ng manonood ng encore. Na pinagbigyan naman ni Billy. Naiyak pa nga ito sa kanyang huling pagbabalik dahil hindi niya expected na ganun ka-init siyang tatanggapin ng kanyang mga kababayan. Si Billy kasi, sa kabila ng kasikatan sa abroad, ay never lumaki ang ulo at never nakalimutan ang pinagmulan niya. Anuman ang kasikatan niya ngayon, deserved niya dahil magaling siya and will always be humble.