Laman ng mga pahayagan ngayon si Nora Aunor, nagbubunyi ang mga Noranian, dahil ibinasura na ang kaso ng drogang kinasangkutan niya sa Amerika. Magandang balita ito para sa Superstar, burado na ang kanyang kaso sa Amerika, ang ibig sabihi’y ligtas na siya sa pagkakulong.
Matagal na panahon ding binagabag ng kasong ito ang kapamilya ng aktres, wala ring patlang ang pagdarasal ng kanyang mga tagahanga na sana’y maligtasan niya ang pagsubok na ito at dininig naman ng langit ang kanilang mga dasal.
Marso nung 2005 nang mahuli sa Los Angeles Airport si Nora Aunor na may dala-dalang shabu at pipa sa kanyang bag, para mapagaan ang kanyang kaso ay nagbigay siya ng guilty plead nung nakaraang taon, at sa loob nang 18 buwan ay regular siyang nagre-report sa kanyang probation officer kasabay ang pagkumpleto sa apatnapung beses ng drug test.
Ngayon ay nakabasura na ang kanyang kaso, no more record on file, dismissed na yun dahil sumunod naman siya sa mga itinalaga ng batas sa Amerika.
Bilang mga kapwa Pilipino, masaya tayo sa kinahinatnan ng kaso ni Nora Aunor, tanggapin natin ang katotohanan na anuman ang mangyari ay isa pa rin siyang superstar, maraming buhay ang maapektuhan kung makukulong siya.
Bahagi na ng buhay ng mga Pinoy si Nora, mga batang kapanganganak pa lang ang hindi nakakakilala sa kanya, kaya ang pagkaligtas niya sa isang siguradong indulto sa ibang bansa ay natural lang na ikinaliligaya natin.
Pero tama rin ang emosyon ng marami nating kababayan, kasama na ang kolumnistang ito, na ang pakikipaglaban ni Nora sa problemang ito ay nagsisimula pa lang at hindi pa natatapos.
Lagi nating tatandaan na kaya siya nag-plead ng guilty nung nakaraang taon ay dahil isang kompromiso yun para mapagaan ang kanyang kaso.
Hindi kami naniniwala na kaya nagbigay ng ganung testimonya si Nora ay dahil sa gusto lang niyang pababawin ang kanyang pagdurusa, kundi dahil totoong ginawa niya ang ibinibintang sa kanya, sa ganung posisyon ay alam na natin kung ano ang totoo tungkol sa kaganapan.
Hindi na namin kailangan pang detalyehin ang mga kwento, pero ang istorya naman ng pagdodroga ay parang ikalawang balat na ni Nora Aunor kung paanong kapag binanggit mo ang pangalan ni Nora ay kabuntot na nun ang salitang casino.
Pero ang bawat tao ay binibigyan natin ng kalayaang mapatunayan sa kanyang sarili at sa mundo ang kanyang pag babago, nawa’y magsilbing leksyon na kay Nora ang pinagdusahan niyang kaso sa Amerika, harinawang wala nang sumunod pa ulit dito.
* * *
Ipinabura na ni Kon sehal Aiko Melendez ang tattoo ng pangalan ni Martin Jickain sa kanyang katawan, kung matatandaan, nung nakaraang linggo ay una nang nagpabura ng tattoo si Martin, isang disenyo ng Yin-Yang ang ipinapatong nito sa pangalan ng aktres-pulitiko.
Bulaklak naman ang ipinatong ni Aiko sa pangalan ni Martin isang sensyal ito na pinaninindigan ni Aiko ang kanyang sinabi sa The Buzz na “it’s over,” tinuldukan na nga niya ang kanilang relasyon.
Hindi na uso ang singsing ngayon bilang tanda ng pagmamahalan, tattoo na ang uso, hindi nga ba’t yun din ang naging paraan ng sumpaan nina Jake Cuenca at Roxanne Guinoo?
Ang piniling disenyo ni Aiko bilang pangtakip sa pangalan ni Martin ay bulaklak, makahulugan yun, ang bulaklak ay sumisimbolo sa babae na kailangang iniingatan at minamahal at hindi sinasaktan.
Sabi nga sa isang pelikula, “Ang babae ay parang bulaklak, huwag mo na lang pitasin kung sisirain-wawasakin mo lang.”
Isang tattoo artist lang ang gumawa ng kanilang mga tattoo, si Gene Testa siguro’y napapailing na lang ito ngayon dahil sa kinahinatnan ng pagmamahalan ng kanyang mga kliyente.
Ayon sa mga kakilala namin ay mas mahirap magpabura ng tattoo kesa sa magpalagay at kahit anong pagbura ang gawin ay meron pa ring natitirang alaala yun, may maki kita ka pa ring pilat ng nakaraan.