Hanggang ngayon ay ayaw pa ring tantanan ng kanyang mga kalaban sa pulitika si Governor Vilma Santos, tapos na ang eleksiyon, pero parang ngayon pa lang umiinit ang klima ng pulitika sa Batangas.
Ngayong Oktubre pa lang mamarkahan ang ika-100 araw ng aktres-pulitiko bilang gobernador ng kanyang lalawigan, pero naghahanap na ng milagro ang kanyang mga kritiko, para bang sa loob lang nang magdamag ay pagmimilagruhan na ni Governor Vilma ang kanyang mga kababayan.
Ang mainit na bintang na ibinabato sa kanya ay ang pagiging protektor daw niya ng jueteng sa Batangas, ’yun daw ang dahilan kung bakit hindi niya masugpo-sugpo ang ilegal na sugal sa kanyang nasasakupan, ito ang laban na hindi uurungan ng Star For All Seasons.
Malinaw ang kanyang paliwanag, “Hindi ko kayang gawin ito nang mag-isa lang, kailangan ko ang suporta ng simbahan, ng PNP at ng mismong mga kababayan ko.
“Ginagawa ko ang lahat ng kaya ko, puro para sa kanila ang pinapangarap kong mangyari sa aming lalawigan, pero iisang katawan lang naman ako para gampanan ang hinahanap nila sa akin.
“Kailan lang ako naupo bilang gobernador, huwag naman sana nila akong hanapan agad ng milagro, I can’t make miracles overnight,” pahayag ng gobernador ng Batangas.
Laganap ang jueteng sa buong bansa, huwag magmalinis ang ibang mga pulitiko diyan, sa lahat ng probinsiya ay merong jueteng. Pero ang nakapagtataka lang ay bakit palaging si Governor Vilma lang ang nakikita ng mga taong walang magawa diyan?
Dahil ba sa artista siyang sikat na sikat ay napakasarap kasi niyang pakisakyan? Sana naman ay bigyan ng palugit ng mga taong ’yun ang mga nakalinyang pangarap ni Governor Vilma para sa Batangas, kahit naman sinong pulitiko ay hindi makagagawa ng milagro sa kanilang posisyon nang ganun kabilis, halatadong imbento lang ang mga ipinupukol na akusasyon sa kanya ngayon.
Masyadong nasaktan ni Governor Vilma ang kanyang mga kalaban, pero kailangang tanggapin ng mga ito ang katotohanan na ang mamamayan na ng Batangas ang nagdesisyon para siya ang maupo sa trono, ang pinakamatinding ebidensiya nun ay ang daan-daan libong kalamangan niya sa boto kontra sa kanyang kalaban.
Sa halip na buligligin siya ngayon, ang dapat gawin ng mga kalaban niyang nagmamalinis ay ang makipagtulungan sa kanya, kung talagang pagkasugpo ng jueteng ang gustong mangyari ng mga taong ’yun ay kooperasyon nila ang kailangan ng kasalukuyang gobernador na sarap na sarap silang bulabugin at batuhin.
*****
Masaya kami sa muling pagkakasundo ni Kristine Hermosa at ng kanyang pamilya, saksi kami sa mga naganap sa kanila, nakalulungkot isipin na mismong pamilya niya ay hindi kasundo ng magandang aktres.
Pero tama ang kanyang sinabi, sa eksaktong panahon ay maiaayos din nila ang lahat, tulad ng nangyayari ngayon na natuluyan na ang hindi nila pagkakasundo at sama-sama na naman sila ngayon.
Sa pagkakaalam namin ay si Diether Ocampo ang dahilan ng lahat, mahal ni Tintin ang aktor, pero mahal din niya ang kanyang pamilya. Kapag nagkakaroon ng problema ang magkabilang kampo ay natural lang na siya ang naiipit sa gitna.
Aminado si Tintin na medyo magkalayo sila ni Diet ngayon, temporaryo lang daw naman ang kanilang paghihiwalay, meron lang silang inaayos na mga bagay-bagay na mas makagaganda sa kanilang relasyon.
Huwag naman sanang mangyari na dahil meron silang problema ni Diet ay nandun siya ngayon sa kanyang pamilya, ang gusto naming makita ay kasama na rin ng buong pamilya si Diet sa kanilang pagsasaya, kapag nangyari ’yun ay si Tintin na siguro ang magiging pinakamaligayang babae sa balat ng lupa.
Napakahirap kasi ng kanyang sitwasyon, hindi niya maaaring kalimutan at talikuran ang kanyang pamilya nang dahil lang sa pag-ibig pero hindi rin niya makakayang isakripisyo ang kanyang puso, dahil ’yun ang nagsisilbing inspirasyon niya.