Naniniwala kami na may karapatan ang isang artistang kagaya ni Dennis Trillo na huwag aminin sa publiko kung siya man ay may anak na o wala. Bagama’t marami na ang naggigiit noon pa man na siya nga ang nakabuntis sa kanyang girlfriend na si Carlene Aguilar na kapapanganak pa lamang sa Amerika, noong mag-deny siya at mag-deny din naman ang girlfriend niya ay karapatan nila iyon.
Lalong karapatan ng isang ina kung sasabihin niyang hindi mahalaga kung sino man ang ama ng kanyang anak. Sa ilalim ng umiiral na batas sa ating bansa, ang isang bata na isinilang na hindi kasal ang mga magulang ay nananatiling anak lamang ng kanyang ina, maliban kung akuin ng ama na siya nga ang tatay ng bata. Sa kaso ng batang sinasabing anak ni Dennis, ibang batas pa ang nakakasaklaw dahil ipinanganak ito sa US.
Katunayan, ang bata ay maaari pa ngang maituring na isang American citizen dahil doon siya sa US ipinanganak. Ang prinsipyong sinusunod ng US sa citizenship ay “jus soli” - ibig sabihin, basta doon ka ipinanganak ay Kano ka. Dito naman sa Pilipinas, ang sinusunod ay “jus sanguinis” ibig sabihin, saan ka man ipinanganak ang masusunod ay ang citizenship ng mga magulang mo.
Sinasabi nila, aaminin naman daw ni Dennis na siya nga ang ama ng batang yon dahil nabulgar na rin lang na ang apelyido noon ay Ho, na siyang tunay na apelyido ni Dennis. Pero kung nagkaila man siya noong una, karapatan niya nga yon at hindi naman tamang sabihing sinungaling siya. Maaaring ginawa lamang niya yon para bigyan ng proteksiyon ang kanyang career.
Alam naman ninyo rito sa atin, hindi basta natatanggap na ang isang artistang lalaki ay tatay na pala talaga.
* * *
May mga observers na nagsasabi sa amin, ang talaga raw dahilan kung bakit inaalat at hindi maka-abante sa ratings ang Channel 2 ay dahil sa iyon at iyon din ang mga artistang binibigyan nila ng projects dahil ang mga iyon ay nakatali sa kanila sa isang kontrata. In turn, nakatali rin naman sila sa kontrata ng mga artistang madalas nating mapanood.
Ngayon na nga lang matatawa ka sa mga kumakalat na kuwento. Si Diether Ocampo daw ang magiging leading man ni Claudine Barretto sa kanyang pagbabalik.
Goodbye Claudine. Si Piolo Pascual naman daw ang magiging leading man ni KC Concepcion sa kanyang gagawing pelikula, ayaw man naming sabihin pero mukhang goodbye KC na rin ang mangyayari.
Bakit kasi hindi na lang sila kumuha ng mga artistang babagay sa projects at hindi puro na lang iyong mga naka-kontrata sa kanila na malabo naman ang batak sa tao.
* * *
Ang totoo pala, over staying na sa Japan ang isang male star na Pinoy na nagtatrabaho roon noon pa man bilang isang hosto. Kaya lang daw iyon nakakapag tagal doon ay dahil alaga siya ng isang bading na malakas din sa isang sindikato. Hawak pala siya ng Yakuza kaya malakas ang loob niya.
Kung sabagay, marami rin ang nagsasabing ok lang siguro iyon kung hindi man siya makauwi, tutal dito naman wala na rin siyang career.