Head-on collision ang mangyayari sa live concerts nina Billy Crawford at Christian Bautista sa Sabado, Oktubre 6.
Magkasabay na ipapalabas ang Inspired ni Christian at ang unang major concert ni Billy na It’s Time. Ang una’y sa Cuneta Astrodome at ang sumunod naman ay sa Araneta Coliseum.
Kahit papano, maaapektuhan ang dalawang shows ng mahuhusay na Pinoy performers. Nagkatapat sila sa magkaibang venues, kaya mahahati ang mga manonood sa dalawang shows.
Kilala na si Billy Crawford bilang isang total performer kahit noong bata pa siya, Kaya lang, matagal siyang nawala sa bansa nang mag-migrate ang kanyang pamilya sa US.
Nabalitaan na lang natin siya na isa siyang superstar sa Europe. Sa France kasi siya nabigyan ng recording break at naging super successful ang kanyang album. Naging big hit pa ito sa iba’t ibang bansa sa Europe.
Kahit saan magtanghal ng kanyang live concert sa nasabing continent, dinudumog. Hanggang magpasya siyang bumalik sa U.S. at doon na sa New York magtayo ng kanyang sariling record & production company.
Ngayon ay nandito siya sa ating bansa upang pagtibayin ang kanyang estado bilang leading entertainer. Ang kanyang live concert sa Big Dome on October 6 (Sabado) ang isa sa magiging batayan kung matatag na ang kanyang showbiz career sa sariling bansa.
Na-promote naman ng husto ang show dahil nagkaroon pa ng one-month search para sa kanyang back-up dancers for the concert.
Ang naging problema lang, isa pang top R&B artist ang may live concert sa Araneta Coliseum, a week after. Ang show ni Babyface ay inaabangan na rin ng mga R&B fans sa ating bansa.
Kahit hindi ito kasabay ni Billy, ang Babyface show ang tiyak na makaka-apekto sa Pinoy artist’s show. Sa mga R&B fans kasi, isang icon si Babyface. Sa ibang tagahanga niya na limitado ang budget, malamang na ilalaan na nila ito sa pagbili ng ticket para sa American/singer/composer/producer.
Samantalang si Christian Bautista naman, solid ang mga followers na susuporta sa kanyang live concert. Kahit pa nga sa Cuneta Astrodome lang ito, very accessible pa rin sa mga tagahanga niyang taga-Metro Manila.
Palagay ko, nakauungos na ang Inspired na higit na maraming manonood kaysa show ni Billy.
Isa pa, mahirap punuin ang Araneta Coliseum na venue ni Billy. Sana naman hindi siya matulad sa ilang artists na pinamigay na lang ang mga hindi nabiling tickets, para lang masabing napuno nila ang Big Dome.
Ano na kaya ang nangyari sa movie project na pagbibidahan sana ni Billy Crawford at Heart Evangelista?
Noong unang dumalaw sa bansa si Billy, mainit ang balitang ito at nagpadala pa siya ng isang dosenang Ecuadoriaon roses kay Heart.
Noon ay may balita din na gagawa ng isang pelikula sa bansa si Jasmine Trias. Hanggang ngayon busy si Jasmine sa kanyang mga show biz commitments sa Tate.