Palaging may replay sa Cinema One ang 30th Gawad Urian. Siguro naman, magkakaroon din ng replay sa Cinema One ang television special ni KC Concepcion na marami ang hindi nakapanood dahil gabing-gabi na ito nang mag-umpisa noong Linggo.
Kabilang ako sa listahan ng mga nanghihinayang dahil maaga akong natutulog kaya hindi ko napanood ang TV special ni KC.
Puro positive ang kuwento na naririnig ko mula sa mga tao na nagpuyat sa panonood ng From Paris to Pinas.
Puring-puri nila si KC na nagmumura raw ang star quality. Lalo akong naintriga na mapanood ang replay ng TV special. Sa dami ng nagre-request sa ABS-CBN, imposibleng hindi nila pagbigyan ang kahilingan ng televiewers!
* * *
Pinag-uusapan ang mga rebelasyon ni Pops Fernandez tungkol sa mga tunay na dahilan ng paghihiwalay nila ni Martin Nievera.
May mga nagtatanong naman kung bakit daw nagsalita si Pops after nine years?
Publicity ba raw ‘yon para sa kanyang concert sa December 8? Kung publicity daw ‘yon, parang napakaaga dahil September pa lang. Baka raw hindi na pag-usapan si Pops kapag malapit na ang petsa ng kanyang concert.
Affected ang fans ni Martin sa mga ipinagtapat ni Pops. Sirang-sira raw si Martin dahil siya ang lumabas na masama at kung sasagutin niya ang mga sinabi ni Pops, siya pa rin ang magmumukhang ungentleman dahil sa kulturang Pinoy, pangit sa isang lalaki ang nakikipag-away sa babae.
Huwag na raw umasa si Pops na papayag si Martin na mag-guest sa kanyang concert dahil nasaktan ng husto ang kanyang ex-husband.
Nabasa ko na ang mahabang interview kay Pops sa YES magazine. Nakakaloka talaga ang kanyang mga ikinuwento dahil parang mas mabuti pa na tinawag na lamang niya na monkey si Martin.
* * *
Malapit nang mag-goodbye sa TV ang Mga Mata ni Anghelita dahil three taping days na lang ang bubunuin ng cast.
Ang Kamandag ang ipapalit sa timeslot ng Mga Mata ni Anghelita pero ngayon pa lang yata mag-uumpisa ang taping ng bagong primetime TV series ni Richard Gutierrez.
Nalulungkot ang mga artista ng Mga Mata ni Anghelita dahil mami-miss nila ang isa’t isa pero masaya sila dahil magpapaalam sa ere ang kanilang show na mataas pa rin ang rating.
Habang patapos ang Mga Mata ni Anghelita, nag-umpisa na ang Lastikman ng ABS-CBN.
Kasali si Tonton Gutierrez sa Lastikman pero tapos na ang kanyang taping nang dumating ang offer para makasama siya sa cast ng Mga Mata ni Anghelita. Napatunayan ni Tonton na puwede pala na maging Kapuso at Kapamilya. Why not di ba?
* * *
So, Ho pala ang apelyido ng mhin na nakabuntis kay Carlene Aguilar base na rin sa name tag na inilagay sa wrist ng kanyang baby boy.
Mabilis na kumalat ang balita na nanganak na ang dating beauty queen na hindi sana mabubuking na buntis at nagtago sa LA kung hindi siya nakita doon ng isang TV reporter.
Sosyal ang baby boy ni Carlene dahil instant US citizen siya. Sabihin na kaya ni Carlene sa mga tao ang tunay na identity ng tatay ng kanyang anak?
Masama na idine-deny ang isang inosenteng bata ‘huh! Kahit wala pa siyang isip, nararamdaman niya kung unwanted child siya ng kanyang mystery father. Mystery father daw o!