Nabigla si Rochelle Pangilinan nang may magtanong kung totoong inirekomenda niya uli si Kier Legaspi para makapareha sa Daisy Siete, Tabachingching? Pangatlong pagtatambal na nila ito.
“Naku, excuse me wala po akong alam diyan. Artista lang ako rito,” say ni Rochelle na halatang namula sa katanungan sa kanya. Ang producer daw ng Focus E. Inc. na si Joy Cancio ang may kinalaman sa pagkuha ng artista.
Si Jopay Paguia ang bida sa nasabing palabas pero, nahahalatang lumulutang ng higit ang istorya ni Rochelle. Madrama kasi at bale ba, naroroon uli si Kier na minsan ding nagmahal kay Rochelle. Teka, totoo bang nagkabalikan ang dalawa? Umuugong kasi sa set, na malimit nasa isang sulok lang ang dalawa at nagbubulungan. Ano kayang pinagbubulungan nila?
“Malay, kaya nga bulungan, ayaw marinig ang pinag-uusapan nila,” anang isang mahaderang nakikinig din sa aming usapan. – VIR GONZALES