Tuwang-tuwa ang Parokya ni Edgar sa malaking tagumpay ng kanilang first major concert na tinanghal sa Folk Arts Theater kamakailan.
Ilang araw lang pagkatapos ng palabas na tinampok din ang Kamikazee, Sponge Cola at iba pang banda, lumipad nang papuntang Amerika ang Parokya at Kamikazee.
Noong September 15, sa Slimac’s ng San Fernando ang kanilang sell-out concert. Sinundan ito ng isa pang S.R.O. event sa Epicentre ng San Diego, California.
Kahapon, September 22, sa El Rey Theater ng Los Angeles, California ang live concert ng Parokya ni Edgar at Kamikazee.
Ngayong Linggo nasa Las Vegas (Cheyenne Saloon) ang tugtog ng dalawang banda. Hindi makakapanood ang kabataan dito dahil 21 and above years old lang ang maaring pumasok sa venue.
Sa Biyernes, September 28, nasa Congress Theater ng Chicago ang Parokya’t Kamikazee, Lipad naman sila sa Jersey City para sa kanilang September 29 (Sabado) concert sa The Landmark.
Ang huling palabas na magkasama ang Parokya’t Kamikazee ay sa isang Linggo (September 30), sa State Theater ng Washington D.C.
Pauwi na sa bansa sina Jay Contreras at Kamikazee, samantalang sina Chito Miranda naman at ang Parokya ni Edgar ay pupunta pa ng Texas upang magtanghal sa Stanfford Civic Center sa October 7 (Linggo).
Pagbalik sa bansa ng Parokya sa susunod na buwan, tatapusin nila ang isang bagong album para sa Universal Records.
* * *
Ginanap na ang 2007 DMC World DJ Championship (Philippine Finals) sa Hard Rock Café, Glorietta.
Isang well-attended affair ito ng mga local at foreign personalities at pinanood nila ang exciting na contest na may walong finalists mula sa iba’t ibang lugar ng bansa.
Nahirapan ang mga hurado sa pagpili ng nanalo na siyang kakatawan sa ating bansa sa 2007 World DJ Championship sa London, England sa susunod na buwan.
Si DJ Jam Masta ang tinanghal na kampeon samantalang sina DJ Red-I at DJ Trigga ang mga runners-up.
Kasama sa mga past winners ng annual contest si DJ MOD na nanalo din sa London, at isa na ngayong sikat na producer, composer, recording artist at TV personality.