Siguro kung ang isang aktor na kagaya ni Eddie Garcia, o kaya isang aktres na kagaya ni Lorna Tolentino, o Sharon Cuneta na kapwa nanalo na ng grandslam sa mga awards at kinikilalang mga sikat at premyadong mga artista ang magsasabing hindi mai-execute ng isang baguhang direktor ang mga eksena nila sa pelikula, maniniwala kami. Kasi mga sanay na sanay na ang mga yan sa pelikula eh. Iwanan mo yan sa shooting, kaya nilang maidirek ang sarili nila.
Pero minsan man, hindi namin narinig ang mga artistang kagaya nila na nagsabing may direktor silang hindi marunong gumawa ng eksena. Kaya nga tawang-tawa kami noong isang araw sa kwento na yon daw Cristine Reyes, kapatid ni Ara Mina, na hindi siya magso-shooting ng kanyang pelikula hanggang hindi pinapalitan ang direktor niya dahil hindi yon marunong magdirek. Bakit, ano na ba ang nalalaman niya sa pelikula para sabihing ang direktor niya ay hindi marunong gumawa ng pelikula? Masyado naman yatang napakaaga niyang naging masyadong matalino. Maski si Ara Mina hindi nakapagsalita ng ganyan.
Yon namang direktor na sinasabihan niyang hindi marunong gumawa ng pelikula, si Bing Santos, ay beterano na sa industriya. Marami nang nagawang pelikula ito. Maski na yong mga malalaking artista noong araw pa kagaya ni Tony Ferrer, naidirek ni Bing.
Yang si Bing, nakilala namin nung bata pa kami halos, nasa PR department siya noon ng Uniprom, film distribution arm ng Araneta. Tapos marami ring nasamahang produksiyon, isa rin siyang movie writer noong araw, tapos nga nakapagdirek na ng mga pelikula. Marami nang nagawang pelikula si Bing kaya hindi kami maniniwala kay Cristine Reyes na ngayon nga lang magiging bida sa pelikula na hindi marunong magdirek si Bing.
Isa pa, yong direktor niya ang bumuo, nag-conceptualize, at gumawa ng pre-production work ng pelikula niya, tapos ipapaalis niya? Ang paniwala namin ill advised yang si Cristine. Kung sino man ang nagpapayo riyan, aba eh kailangang mag-isip. Hindi sila makatutulong kay Cristine, makasisira sila.
* * *
Hindi maitago ni Mother Lily ang kanyang disappointment sa ginawa sa kanya ni Angel Locsin.
Pero ang punto kasi, hindi si Mother ang nagpasikat diyan. Kung iyong Channel 7 natalikuran niya,si Mother pa ba?
Ang dapat gawin ni Mother kung kami ang tatanungin ay mag-build up ng panibagong artista na maaaring lumampas sa popularidad niyang si Angel Locsin.
Kayang-kayang gawin iyan ni Mother kung gugustuhin lang niya. Nagawa na niya iyan in the past. May panahong lahat ng mga sikat na artista, artista ni Mother.
Ang dapat gawin ni Mother ngayon gamitin niya ulit ang magic niya, para matauhan yang mga nagdudunung-dungang wala namang alam sa industriya. Gumawa siya ng isang malaking artista na siyang magiging bagong superstar. Hindi lamang niya matuturuan ng leksyon ang ibang mabilis lumaki ang ulo, kundi matutulungan din niya ang industriya. Kailangan ng industriya ang isang malaking star para makabangon at hindi si Angel Locsin iyon.