Nagpasalamat kahapon si Papa Manny Villar sa entertainment press na sumuporta sa kanyang kandidatura noong nakaraang eleksyon.
Hinding-hindi makakalimutan ni Papa Manny ang kabutihang ipinakita sa kanya ng mga entertainment reporter.
Nakita ko ang pagiging edukado ni Papa Manny. Hindi siya nagkomento sa tanong ng isang reporter kung panay ang pagbatikos sa kanya sa radyo ni Mama Korina Sanchez.
Wala sa bokabularyo ni Papa Manny ang makipag-away. Mas pipiliin niyang manood ng sine kesa sagutin ang mga isyu na ibinibintang sa kanya.
Hindi rin niya sinagot ang mga tsismis na kakandidato siya bilang pangulo ng Pilipinas sa 2010.
Makahulugan ang statement ni Papa Manny. Mahirap daw magsalita dahil ni hindi niya alam kung nakalagay sa tambyolo ang kanyang pangalan. Paano raw siya mananalo sa raffle kung wala sa tambylo ang pangalan niya? Oo nga naman!
Nakita ng mga reporter ang kasiyahan sa mukha ni Papa Manny nang kumustahin ang kanyang ina, si Nanay Curing.
Ipinagmamalaki ni Papa Manny na ibinili niya ng bagong van si Nanay Curing. Ang bagong sasakyan ang ginagamit ni Nanay Curing sa pagdalaw nito sa kanyang pamilya na nakatira lang sa Las Piñas area.
* * *
Naglagare kahapon ang mga reporter. Mula sa thank you lunch ni Papa Manny, go sila sa presscon cum birthday lunch ni Mother Lily Monteverde.
Isinabay ni Mother Lily ang presscon ng My Kuya’s Wedding sa birthday treat niya sa entertainment press.
Napa-cry si Mother nang pasalamatan nito ang mga reporter na patuloy na sumusuporta sa lahat ng project ng Regal Films.
Ang saya-saya ni Mother kahapon at nadoble ang kaligayahan niya dahil maganda ang feedback sa My Kuya’s Wedding.
* * *
May plano pala ang ABS-CBN na gawing TV sitcom ang Kasal, Kasali, Kasalo.Why not?
Maganda ang chemistry ng magdyowang Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos kaya nga kumita sa takilya ang movie version ng Kasal, Kasali, Kasalo.
Tiyak na matutuwa ang fans nina Judy at Ryan dahil successful ang reel at real loveteam ng kanilang mga idolo.
Masuwerte si Ryan dahil magaganda ang projects na dumarating sa kanya. Hindi pinangarap ni Ryan na maging artista kaya kahit siya eh nagugulat sa magagandang nangyayari sa kanyang showbiz career.
Napatunayan naman kasi ni Ryan na meron siyang acting talent. May identity na siya kaya hindi na boyfriend ni Judy Ann ang tawag sa kanya.
* * *
Luma na ang kuwento pero interesting i-share sa dear readers ng PSN ang kagagahan ng isang aktres na na-insecure sa mas batang aktres na nakasama niya sa pelikula.
Nag-emote ang sikat na aktres nang mapanood nito ang pelikula nila ng mas batang aktres.
Bakit daw mas magaling ang akting ng mas batang aktres kesa sa kanya? At bakit daw mas magaganda ang eksena ng kanyang co-star?
Daay, nginatngat ng matinding insecurity ang aktres na hindi mo aakalain na magkakaroon ng ganoong pakiramdam dahil sobra-sobra ang achievement niya sa entertainment business.
Ang inasal ng aktres ay malinaw na ebidensya ng kasamaan ng kanyang ugali. Ayaw niya na mahihigitan siya ng ibang tao kesehodang matindi ang kanyang attitude problem kaya ayaw na siyang kunin ng ibang movie produ.