Walang problema kay Bianca Gonzales sakaling magkaroon sila ng encounter ni KC Concepcion sa ABS-CBN, ang ‘current’ love ng ex boyfriend niyang si Lino Cayetano. In fact, okey din sa kanya kung magi-guest ito sa kanilang showbiz oriented talk show na Entertainment Live. Hindi na raw issue sa kanya ang tungkol kay Lino, ang feeling lang daw niya ay walang ibang pinag-uusapan sa kanya kaya madalas pa rin itanong sa kanya si Direk Lino.
“I can’t say sawa, pero parang I can’t believe na yun pa rin ang pinag-uusapan sa atin. Sobrang boring kasi ng buhay ko,” she said sa re-launching ng Y Speak (Studio 23) na ngayon ay nasa ika-apat na taon na nagbibigay-boses sa mga kabataan.
Wala rin kasi siyang bagong lovelife at open naman siya kung sino man ang darating.
“Excited na ako sa bagong lovelife. Siguro pini-prepare na ni God ang isang special person for me.”
Pero wala pa naman daw siyang pinagpipilian dahil wala namang nanliligaw sa kanya sa kasalukuyan.
Kung meron naman daw kasi, willing siyang ikuwento ito dahil alam niyang nasa showbiz siya at willing siyang ipakalkal ito lalo pa nga’t host na rin siya ng isang showbiz talk show.
Before the year ends, madadagdagan ang show niya dahil papasok na ang bagong season ng Pinoy Big Brother.
* * *
Isa sa pinakamalakas na programa ng GMA 7 sa Davao ang Testigo, hosted by Tek Ocampo na correspondent ng GMA 7 for several years pero two years ago, nagdesisyon siyang bumalik sa Davao para maging anchor ng Testigo.
Galing sa pamilya ng mga pulitiko si Tek, kaya naman during the elections ay marami sa kanyang nag-convince na tumakbong vice governor. Pero hindi siya pinayagan ng GMA 7.
Hindi naman nanghihinayang ang TV host dahil maganda ang rating ng kanyang programa.
Napapanood ang Testigo daily 5:30 to 6:30 p.m. sa Davao.
Admitted naman ang GMA head Regional TV, AVP Expansion News and Current Affairs na si Ms. Rikki Escudero na hindi pa sila nag-no. 1 sa Davao pero tinatrabaho raw nila. Like ang Testigo, since nakita nilang malakas ito, dinagdagan nila ito ng oras.
* * *
Anyway, sa ginanap na Kapuso Day sa Davao, isa sa pinakapatok ang job fair. Sobrang dami raw ng nag-apply at marami ang instant na na-hire.
Nagkaroon din ng libreng gupit, libreng kodakan, NSO/DFA information and processing at marami pang iba kasama na ang marami nilang artista na dumagsa sa Davao last weekend.
Kasama sa dumayo sina Dennis Trillo, Nadine Samonte, Iwa Moto, Keempee de Leon, Ehra Madrigal, Pauleen Luna, Marky Cielo, Lani Mercado, Sherilyn Reyes and Manilyn Reynes.
Nang kumanta si Dennis, sigawan na talaga ang tao sa NCCC Mall.
Pero mas grabe talaga ang tilian kina Dingdong and Marian Rivera nang magsayaw ng Marimar.