May tulay kami tungo sa Mandaluyong Police Station, may mga kaibigan kaming nagtatrabaho dun, mga taong nakasaksi kung paano binastos ni Paul Alvarez ang dating Pinoy Big Brother housemates na si Gretchen Malalad na ngayon ay news reporter na ng News And Current Affairs division ng ABS-CBN.
“Maangas na si Bong Alvarez kahit hindi pa nangyayari ang salpukan nila ni Gretchen, mura na siya nang mura, kung sinu-sino ang pinagtatawagan niya sa telepono.
“May tinatawagan pa siyang ka-brod niya sa fraternity, nagpapasalo siya sa pinasukan niyang gulo, mura siya nang mura, bastos ang bibig niya!” simulang impormasyon ng aming kaibigang nagtatrabaho sa Mandaluyong Police Station.
Hanggang sa maganap na nga ang komosyon sa pagitan nila ng blackbelter na si Gretchen, nung kukunan na ng pahayag ng dalaga ang taxi driver na binugbog ni Bong, humarang ang basketbolista sa pintuan ng detachment.
Kitang-kita sa footage kung paano niya siniko si Gretchen, napanood din namin ang footage kung saan siya ginantihan ng sapak ng dalaga, hanggang sa parang babae na niyang sinabunutan at pinagkakalmot si Gretchen.
Napakabastos na lalaki! Kung kapwa niya lalaki rin ang kanyang nakaengkwentro ay mauunawaan pa ng publiko ang bastos na basketbolistang ito, pero hindi, isang babae ang kanyang sinaktan.
“Mayabang siya, nung umpisa pa lang, sumisigaw na talaga siya! Pinagbantaan niya ang crew na kapag kinunan siya, eh babasagin niya ang camera at bubugbugin daw niya ang cameraman!
“Inirereklamo rin niya ang isang police officer dun na ka-fraternity daw niya, pero mukhang hindi man lang siya ipinagtatanggol!
“Eh, paano mo naman ipagtatanggol ang ganun kabastos na lalaki? Nanakit na siya ng babae, nambabastos pa siya ng pulis, ganun siya kayabang nun!” kwento pa rin ng aming source.
* * *
Ikinulong si Bong Alvarez, nagpalakpakan ang mga kakosa niya nung ipasok siya sa selda, pero hanggang dun ay umandar pa rin ang kanyang kaangasan.
Sabi ng aming source, “Pati yung mga nakakulong, pinagyabangan niya, hinamon niya ng suntukan yung mga preso! Alam mo, tinapik siya nung isang police officer, ang sabi sa kanya, ‘Pare, huwag mo dito pairalin ang tapang mo, walang sinasanto ang mga yan, baka makita mo ang ayaw mong makita kapag inupakan ka ng mga hinahamon mo!’
“Medyo kumalma siya nun, pero sige pa rin siya sa kasasalita, kesyo meron daw siyang kausap na mayor na pupunta run para siya ilabas,” kwento pa rin ng aming impormante.
Hindi lang ngayon nasangkot sa ganitong klase ng kaguluhan si Bong Alvarez, laman siya ng mga gulo kahit sa mga bar na pinupuntahan niya, hindi marunong magdala ng kalasingan ang lalaking ito.
Iinom siya nang hanggang mag-uumaga na, pero ang alak naman ay hindi niya inilalagay sa tiyan, kundi sa ulo niya. Kahit sinong mapagtripan niya ay uupakan niya, meron lang siyang mapansing kahit ano ay sisinghalan na niya, isang araw ay hindi lang ganito katinding gulo ang papagitnaan ni Bong Alvarez.
Idinemanda na siya ng taxi driver, sinampahan rin siya ng kaso ni Gretchen Malalad, nagsampa rin ng asunto laban sa kanya ang mga pulis-Mandaluyong na binastos niya.
Nararapat lang turuan ng leksyon ang mga tulad ni Bong Alvarez na ang ilusyon ay kanya na ang mundo dahil sa kanyang kaangasan.
Kailangan na siyang makapulot ng aral ng buhay dahil sa nangyari sa kanila ni Gretchen, babae rin ang kanyang asawang si Almira Muhlach, gusto ba niyang may sumiko-manapak din sa kanyang misis?
Kung hindi kabastusan ang maitatawag sa kanyang ipinakita ay hindi na namin alam kung ano.