Dumating kahapon si Erik Santos mula sa concert nila ni Aiai delas Alas sa Ireland, pero aalis din siya ngayong araw para sa US Tour nila nina Sarah Geronimo, Raymond Manalo, Kris Lawrence at Mark Bautista. Two months series of shows ito, pero one month lang sasama si Erik dahil kailangan niyang bumalik sa September 20 para sa promo ng kanyang second major concert sa Araneta Coliseum sa October 19, billed Erik Santos… Solo at the Coliseum.
Kahit magaling siyang singer, maraming fans at maraming guests, kailangan pa rin niyang mag-promote. Malapit sa concert date niya ang Oct. 13 concert ni Baby Face at ang Oct. 17 & 18 concert ni Josh Groban.
Guests ni Erik sa kanyang concert ang The Company, Sam Milby, Yeng Constantino, Danita Paner, G Force Dancers at si Aiai. May iba pa siyang guests at hindi kabilang ang ex-girlfriend na si Rufa Mae Quinto, pero manonood ito. Sina Louie Ocampo at Bobby Garcia ang musical director at director ng concert respectively.
Sasayaw for the first time si Erik sa concert at part daw ng reinvention niya ang gagawin. Maghintay lang ang kanyang fans at marami pa siyang sorpresa at isa rito ang kanyang Christmas album na may working title na “All I Want For Christmas.”
Kaibigan din ni Erik si Piolo Pascual, pero busy yata ang actor kaya ‘di makakapag-guest sa kanyang concert. Sa ASAP nabuo ang kanilang friendship hanggang pati sa bible study at pagsimba sa Victory sa The Fort ay magkakasama na sila.
Kuwento ni Erik: “May small group kami na nagkikita at nagsi-share ng problem. Kasama sa group namin ang pastor at ‘pag walang available na pastor, si Piolo ang nagli-lead sa amin.”
“Oo naman,” ang sagot ni Erik kung credible mag-lead si Piolo. No further questions!
* * *
Kung totoong kasama sa cast ng Kamandag as one of Richard Gutierrez’s leading ladies, obviously, hindi pa nasasabi kay Jewel Mische ang tungkol doon dahil puro “Di ko alam” ang sagot nang aming tanungin. If true na kasama siya sa cast, matutuwa raw siya ng husto at big break ito sa kanya.
Hindi rin alam ni Jewel ang tsikang lilipat sa Star Magic ang ka-loveteam niyang si Paulo Avelino ‘pag nag-expire ang contract nito sa GMA Artist Center. Tatanungin daw niya ito ‘pag kanyang nakausap.
Seksi-seksihan si Jewel nang aming makausap, mahaba ang biyak sa harap ng suot na gown at konting kilos lang ay masisilip ang cleavage. Nagpa-spray din ito ng tanning lotion kaya dark ang complexion at dahil sa kakaibang dating, nasabi ni Aljur Abrenica na siya ang gustong ka-loveteam nito.
* * *
Magandang balita para kay Mau Marcelo (remember her?) ang pagkatuloy ng Asian Idol sa November na gagawin sa Indonesia. Maipapakita na niya sa ibang winners ng Asian franchise ng American Idol na magaling ang winner ng Philippine Idol at siya ‘yun.
Bilang paghahanda sa Asian Idol, magkakaroon ng TV special ang ABC-5 para muling makilala si Mau. Si Ryan Agoncillo ang host ng special na wala pang title at siguro naman, kasama sina Jan Nieto (nasaan na rin siya?), Gian Magdangal at mga kasama sa Top 12 ng PI.
Kagabi ang launching ng “Time to Shine” album ni Mau under Sony BMG. Hopefully, marami kaming makuhang bagong balita sa kanya para sa kanyang fans.
* * *
Tama si Marimar (Marian Rivera) sa naramdamang ‘di siya mahal ni Sergio (Dingdong Dantes) dahil ‘di nito masabing mahal siya. Dahil in-love, tuloy ang pagpapakasal ni Marimar sa binata.
Ibibigay ni lola Cruz (Caridad Sanchez) ang dati niyang damit pangkasal para gamitin ni Marimar, pero mapupunit ang damit habang nilalabhan. Para malaman kung matutuloy ang kasal, panoorin ang tele-novela sa GMA-7, after Mga Mata Ni Anghelita.