Ang itsura ni Gretchen Barretto ang klaseng hindi nakasandal sa make-up. Kung tutuusin ay mas maganda pa nga siya kapag walang anumang pekeng pampaganda, mas lumalabas ang tunay niyang kagandahan, tulad na lang nung interbyuhin siya ng kaibigang Boy Abunda sa The Buzz nung Linggo nang hapon.
Sariwang-sariwa ang ganda ni Gretchen, parang kalalabas lang niya sa banyo, parang nagpagpag lang siya ng tumutulo niyang buhok, pagkatapos ay naupo na para sa naturang pana yam.
Kaliwa’t kanang papuri ang tinanggap namin tungkol kay Gretchen pagkatapos ng interbyu, napakaganda naman kasi talaga ng aktres, makinis ang kanyang kutis at wala talagang mali sa kanyang mukha.
Yun ang unang mahabang interbyu kay Gretchen pagkatapos ng “kiss scandal” nila ni John Estrada, official statement lang ang ipinadala nun ng aktres tungkol sa kontrobersya, hindi siya nagsalita tungkol dun.
Ngayon ay nakakaya na niyang tawanan ang pangyayari, tama ang kanyang sinabi na pagiging tapat lang sa publiko ang susi sa kapatawaran, gaano man kalaki ang nagawang pagkukulang ng artista ay nauunawaan pa rin yun ng publiko basta umamin lang ang artista.
Nakakaaliw na nakakabaliw ang mga kwento ni Gretchen tungkol kay Dominique, ang nag-iisa nilang anak ni Tony Boy Cojuangco, nung sabihin daw niya sa kanyang anak na pasensiya na ito sa pagkakasangkot ng kanyang pangalan sa “kiss scandal” sa kanyang mga kalokohan at pagkakamali.
Ganun na lang ang pasasalamat ni Gretchen sa unconditional love na ibinibigay sa kanya ni Tony Boy, yun ang tamang terminong dapat gamitin sa uri ng pagmamahal nito sa kanya, wala nang iba pang salitang maaaring lumapat sa klase ng pagmamahal na ibinibigay sa kanya ng negosyante.
Hindi lang minsan-makalawang nakaladkad ang pangalan ni Gretchen sa mga pangyayaring maaari nang isumbat ng pamilya ni Tony dito, pero hanggang ngayon ay nandiyan pa rin ang businessman, nagmamahal pa rin sa kanya.
Matagumpay ang ginawang operasyon kay Tony Boy, masayang-masaya si Gretchen sa kundisyon ng kalusugan ngayon ng ama ng kanyang anak, nakahinga na raw siya nang maluwag ngayon.
* * *
Nagpakatoto rin si Vina Morales sa pagsasabing nasa proseso na ng annulment ang kasal ng kanyang boyfriend sa misis nito, aminado ang singer-actress na hindi pa napapawalang-bisa ang kasal ni Cedric Lee, kaya naghihintay siya sa takdang panahon kung kailan niya maipagmamalaki ang kanilang pagmamahalan.
Nagparaya si Vina dahil mahal niya si Cedric, kailangan niyang gawin yun, kesa naman sa mawala sila sa isa’t isa. Pero hindi ganun kadali para sa kanya ang lahat, palagi siyang umiiyak, hindi nga naman magagamot ng mga palakpak ng publiko sa magaling niyang performance ang nararamdaman niyang sakit ngayon dahil sa sitwasyon nila ng negosyante.
“Kung hindi ko man po makayang ipagtanggol ang sarili ko ngayon in time, malilinawan din ng marami ang situation. Ibang tao na lang po ang magsasabi ng katotohanan,” sabi ni Vina.
Mahal na mahal siya ni Cedric, ilang beses na silang naghiwalay at nagpangakuang magiging magkaibigan na lang, pero halos sabay silang bumabalik sa isa’t isa.
Pero may mga emosyong isinusuko kung kinakailangan, hindi pa annulled ang kasal ni Cedric sa misis nito, kaya sa mata ng Diyos at ng tao ay mananatili siyang pangalawang babae lang sa buhay ng businessman.
Pero sabi ni Vina ay handa naman siyang maghintay kung hanggang kailan siya makapaghihintay sa takdang panahon ay hindi rin niya alam, basta ang alam niya ngayon ay nagmamahalan sila ni Cedric Lee.