Si Senador Bong Revilla ay hindi lamang isang boxoffice star noong panahong mas aktibo siya bilang isang aktor. Aktor siya talaga. Kinikilala siya ng mga kritiko. Nananalo siya ng mga awards. Kahit na ngayong isa na siyang senador, mas marami pa rin ang kumikilala sa kanya bilang isang aktor.
Noong gumawa siya ng isang tv show, marami nga ang nagsabi na baka naman maapektuhan ang kanyang movie career. Alam naman natin kasi na basta ang isang artista ay nababad na sa tv, nahihirapan na sa pelikula. Pero may punto naman si Senador Bong, kasi ang ginagawa niya sa tv ay comedy, action naman siya sa pelikula.
Ok naman ang tv show ni Bong noon, pero later on kasi masyado raw iyong magastos, kailangan nilang palitan ang show ng isa na comedy din pero mas maliit ang cast. Ang malungkot lang, hindi rin naging kasing lakas noong nauna niyang show. Kailangan nilang magpalit ng format, ginawa nila iyong parang isang game show, pero hindi iyon ang hinahanap ng mga tao eh. Gusto nilang makitang umaarte si Bong talaga.
Ngayon iyong bago niyang show, lalo nang wala kang makikitang acting niya. Host na lang siya sa mga documentaries na puro foreign naman. Mas mababa kasi ang cost noon. Mas murang nabibili iyang mga canned materials na tinatawag. Tapos ipinapa-host nga sa mga Pinoy. Kagaya rin iyan noong isang show ni Michael V.
Pero kung kami ang tatanungin, mas maganda pa nga sigurong hindi na muna gumawa ng tv show si Bong. Maraming mga bagay na dapat bigyan ng consideration.
Una senador na siya. Hindi naman masasabing hanggang doon na lang ang ambisyon niya. Palagay namin, dapat sana malagay siya sa isang show na mas makabuluhan naman kaysa sa pagho-host sa mga canned documentaries lamang.
* * *
Talagang tuluy-tuloy ang mga performances ni Bamboo. Wala siyang tigil sa mga shows sa probinsiya, pero sa August 30, babalik siya sa isang naiibang concert sa Aryan Theater, iyong Bamboo Live.
Matindi ang concert na gagawin ni Bamboo, na ang producer ay si Mon Doratan na nakapag-produce na nang ilang concerts ni Bamboo. Sa pagkakataong ito, makakasama pa niya ang isang producer, si Boying Lasala, na sanay na rin sa mga concert productions.
Nagtulong ang dalawang producers para matiyak na maiiba naman ang Bamboo Live kaysa sa mga concerts na nauna nang ginawa ng singer.
Magmadali kayong bumili ng tickets dahil limited lang ang audience niyan. Mabibili na ang mga tickets sa Aryan Theater at sa Made4U, o tumawag sa 9134776 at 9126339.
* * *
Maraming artista na ang nagrereklamo dahil sa substandard na pagkain daw kung may taping sila sa isang network. Kadalasan daw ang mga artista ay nagpapabili na lang ng pagkain nila. Kung minsan daw ang ulam ay baboy, “baboy ang pagkakaluto.” Kung minsan naman ay baka, “baka sakaling makain.”
Nagtataka sila bakit naman daw ganoon. Pagod at puyat na nga ang mga tao, iyong ipinakakain naman ay hindi halos makain ng matino. Bakit nga ba ganoon ang treatment ng tv network na iyan sa mga artista?