Mabuti naman at may title na ang October 6 concert ni Billy Crawford sa Araneta Coliseum para ‘di na blangko ang write-up tungkol dito. Ang Fil-Am performer mismo ang nagsabi sa aming It’s Time ang napili nilang title na bagay sa concept dahil first time niyang magko-concert sa ‘Pinas.
Nasa bansa na rin ang director ng concert na si Bambi Cruz, pero French daw ito at nasa hitsura naman kahit Pinoy ang tunog ng name nito. Kasama siya ni Billy nang makita namin sa GMA Network minsan, pero sa presscon na siguro namin mai-interwiew.
Natawa si Billy sa tsikang magpo-promote siya ng kanyang concert sa ASAP na malaking isyu kung totoo dahil regular siya ngayon sa SOP at sa Move ng GMA-7 hinanap ang six Pinoy back-up dancers niya.
Sabi naman ni German Moreno, malabong mangyaring mag-promote ng concert sa show ng ABS-CBN si Billy dahil ang Ch. 7 ang media partner sa concert ng singer. Anyway, more than six weeks na lang bago ang It’s Time at kailangang sipagan na ang pagpo-promote nito para malaman ng mas marami.
* * *
Dumating noong Friday, August 17 si Iza Calzado para tapusin ang mga natitira niyang eksena sa Impostora. Hanggang Aug. 22 lang dito ang actress at kailangang bumalik agad sa Toronto, Canada para sa shooting ng The Echo. Kung pagod si Sunshine Dizon sa matitinding eksena sa tele-drama ng GMA-7, pagod naman si Iza sa kata-travel for her Hollywood dream.
Anim na araw lang dito si Iza, kaya ‘di makasingit mag-shooting ng Desperadas . Nangako ito kina Mother Lily at direk Joel Lamangan na sa kanyang pagbabalik, lahat ng schedule niya ay para sa entry ng Regal sa Metro Manila Film Festival. Kailangan kasing matapos ang movie sa November 10 para ready for showing sa December.