Matagal nang hinihiling ng kanilang mga fans na magtanghal ng isang major concert ang Parokya ni Edgar. Ngayong mahigit isang dekada na sila sa industriya ng musika, saka pa lang pumayag ang banda.
Mapapanood ang kanilang Matira Matibay (Pyesta sa Parokya) The Concert, sa Tanghalang Balagtas (Folk Arts Theater), Agosto 31 (Biyernes), kasama ang Kamikazee, Gloc9, Sponge Cola, Urbandub at Moonstar88 bilang special guests.
Sa 11 taon ng Parokya na namamayani sa industriya ng musika, nakapaglabas sila ng siyam na albums at napagkalooban ng apat na triple platinum, limang double platinum, walong platinum at 10 gold record awards. Kasama rito ang “KaminAPO Muna” album na isa sa mga banda kumanta ang Parokya.
Nakalimang US tours na ang Parokya at nakapagtanghal na rin sila sa iba’t ibang bansa. Ang kabuuang benta ng kanilang plaka ay lampas ng 700,000 units!
Bukod sa maraming Awit Awards mula sa Philippine Association of the Record Industry (PARI), NU Rock Awards at Katha Awards, pinagkalooban ang Parokya ni Edgar ng 1999 MTVSoutheast Asia Viewers Choice at 2004 MTV Asia Favorite Artist-Philippines trophies.
Sa dami ng kanilang mga parangal na tinanggap at benta ng kanilang albums, binansagan nga ang Parokya ni Edgar ng Pambansang Banda ng Pilipinas.
Nabuo ang Parokya, 13 taon na ang nakalipas. Ang kanilang mga myembrong: Chito Miranda, Darius Semana, Dindin Moreno, Gab Cheekee, Vinci Montanor at Buwi Meneses ay hinahangaan kahit saan magtanghal. Masaya kasing lahat ang mga palabas ng Parokya at ang kanilang mga kanta ay kinalugdan ng mga tao from all walks of life.
Noon ay namaalam sa banda si Vinci dahil inaasikaso ang kanilang family business at pagtatapos ng college. Sa concert nila sa FAT, sa Agosto 31, inaasahan ng kanilang mga fans na ito na ang pagbabalik ni Vinci sa banda. Madalas din naman sumali sa mga show ng Parokya si Vinci pero pasulput-sulpot lang.
Kahit na sa kanilang mga commercial endorsements tulad ng Nescafe at Mang Tomas ay kasali si Vinci. Nandoon kayang muli ang isa pang vocalist ng bandang si Vinci sa Folk Arts at palagian na siyang makakasali sa lahat ng tugtog ng banda?
Ang live concert na ito ng Parokya ay masasabing selebrasyon ng kanilang musika sa piling ng kanilang mga tagahanga. Kaya naman very affordable ang mga tickets at P650, P520, P390 at P195; na mabibili na sa Ticketworld (811-9999, sa mga National Bookstore branches at SM Megamall.
* * *
Kagagaling lang ni Jed Madela sa WCOPA, Hollywood kung saan isa siya sa mga naging hurado. Pagdating sa bansa, inasikaso niya agad ang pangakong itutuloy ang “Only Human” album mall tour.
Napanood agad siya sa SM The Block kahapon. Ngayong Linggo, magtatanghal si Jed Madela ng libre sa SM Dasmariñas, 5NH. Manood kayo at meron pirmahan ng autograph, pagkatapos ng show.