Hanggang ngayon ay may mga isyu pa ring lumalabas laban kay Angel Locsin, hindi sa ABS-CBN nanggaling ang mga negatibong isyu, alangan naman na ang nilipatan pa niyang network ang sumira sa kanya.
Isang source ang nakausap namin, dating nagtatrabaho sa Siete ang taong yun, sinabi nito na anumang lumalabas na press release mula sa network ay nalalaman ng kanilang mga ehekutibo.
Naalala tuloy namin ang asuntong isinampa ni Kris Aquino laban sa istasyon, ganun din ang inikutan ng mga reklamo ng actress-TV host, alam ng mga ehekutibo ng network ang mga inilalabas na release ng kanilang mga tauhan sa PR department.
Pero iba naman ang nagaganap sa sitwasyon ni Angel ngayon, walang inilalabas na press releases, pero meron silang pagkakaunawaan kung anong bira ang ilalabas nila laban sa batang aktres na lumipat ng bakuran.
Totoong nagaganap ang ganun, pero kapag nagkakabukuhan na ay kani-kanyang hugas-kamay naman sila, walang may gustong umamin kung kanino nanggaling ang pinalulutang nilang kwento.
Sana, kung malakas ang loob nilang magpalutang ng mga istorya ay meron din silang paninindigan, hindi yung ilalagay nila ang mga tao sa gitna ng laban at pagkatapos ay iiwan lang nila.
* * *
Lantaran na talaga ang ginagawang pangangalakal ng isang hunk actor sa kanyang katawan. Hindi lang isa o dalawang bugaw ang humahawak ng kanyang mga bookings ngayon, kahit sino ay puwede nang maghanap ng kanyang parukyano, dahil palaging nangangailangan ng pera ang aktor.
Dati’y gumagawa na ng ganun ang hunk actor, pero dahil meron pa siyang mga project at napapanood pa siya ay medyo simple pa ang kanyang pagnenegosyo ng laman, hindi pa siya ganun kalantaran kung gumawa ng milagro.
Isang hotel sa Makati ang madalas puntahan ng hunk actor, siya ang mauuna run, pagkatapos ay darating na ang makakapareha niya sa “pagsayaw” sa kama.
Hindi namin alam kung bakit palaging nangangailangan ng pera ngayon ang aktor na ito, samantalang sa pagkakaalam namin ay maayos naman ang buhay ng kanyang napangasawa, ang press release pa nga nila ay meron silang negosyo.
“Nasanay na kasi siya sa magarbong lifestyle, akala siguro niya, wala nang katapusan ang init niya noon sa publiko, kaya nung lumamig ang kanyang career, nangarag siya,” sabi ng aming kausap.
Walang pinipili ang hunk actor, pwede sa kanya ang mga bading at matrona, wala siyang pakialam sa edad dahil ang mahalaga para sa kanya ay kung magkano ang kanyang kikitain pagkatapos nang panandaliang kaligayahang pagsasaluhan nila.
Merong gay benefactor ang hunk actor na ito noon, ang bading ang nagsusustento sa kanyang pamilya, pati nga ang kanilang bahay, kaya ngayon ay open for bookings na ang hunk actor.
Miyembro ng isang machong grupo ang hunk actor na ito, mainit na mainit siya nun sa mga kolehiyala, pero biglang kumulimlim ang kanyang career nang magkawatak-watak na sila.
* * *
Sa halip na September 4 ay sa September 14 na ang paglalabas ng mga komiks ng mga couple na sina Direk Carlo J. Caparas at Tita Donna Villa.
Matagal na naming hinihintay ang limang titulong ilalabas nila katulong ang Sterling Group of Companies, sabik na kaming magbasa uli ng komiks na naging malaking bahagi ng aming kabataan, napapanahon na para muling buhayin ang mundo ng komiks na bahagi rin ng kulturang Pinoy.