Ilang linggo na lang ang natitira sa Impostora at malalaking eksena pa ang kukunan. Nabanggit na sa amin kung paano ito magtatapos, kaya lang bawal na bawal isulat, pero siguradong mas mahihirapan si Sunshine Dizon.
Ito ngang mga nakaraang linggo, sobrang dusa ang actress sa mga eksenang kinukunan lalo na ‘pag nag-aaway sila ni Chanda Romero at ‘yung nakagapos siya. Ayaw ni direk Maryo J. delos Reyes na maluwag ang pagkakagapos sa kanya, ang ending, nagka-hematoma siya at nangitim ang wrist. Puro pasa rin ang braso at binti ni Sunshine at natusok pa ang tiyan.
Dahil din sa sobrang pagod, hindi sa bahay kundi sa Medical City dumideretso si Sunshine tuwing natatapos ang taping para makapagpahinga at maghanda para sa susunod na taping. Ang kapalit ng pagpapagod ng actress at ng buong cast at production staff ay ang positive feedback ng viewers at ang mataas na rating na nakukuha ng show kahit late na ang airing.
* * *
Mukhang huli na ang paalala ni Jean Garcia sa anak na si Jennica Garcia at kay Mart Escudero na ‘wag munang ma-in-love at unahin ang trabaho dahil feeling namin, nagkaka-debelopan na ang mga bagets.
Kay Mart, sinabi ni Jean na: “Huwag muna kayong magka-relasyon. Lagi naman kayong magkasama at kung kayo naman, kayo talaga. Two years munang focus sa trabaho, i-enjoy n’yo muna ang isa’t isa. Hindi kailangang magmadali.”
Hindi namin naintindihan ang sagot ni Mart dahil sinabayan ng tawa, pero napansin naming nagsikuhan sila ni Jennica. Hindi rin malinaw ang paliwanag ng young actor kung bakit tumigil siya nang panliligaw kay Kris Bernal, pero sabi may kinalaman si PJ Valerio.
Kung magkakarelasyon, hindi magiging problema ang pagkaka-iba nila ng religion dahil kahit Catholic si Mart, okey sa kanya ang pagiging-Christian ni Jennica.
Samantala, magtapos man ang Impostora, may Boys Nxt Door pa sina Jennica at Mart at kasama rin sila sa Pasan Ko Ang Daigdig. Aabangan din ang launching movie nila sa Regal.
* * *
Almost sold out na ang tiket sa two-night birthday concert ni Ogie Alcasid na gagawin sa Music Museum sa August 24 & 25, billed Faces Of My Life. Produced ang concert ng 1 two 17 Productions ng mag-asawang Sherilyn Reyes at Chris Tan at ang huli rin ang director.
Special guest sa concert si Regine Velasquez and expect more love songs sa repertoire ni Ogie lalo’t first concert nila ito dito together mula nang aminin ang kanilang relasyon. Favorite ni direk Chris ang singer-songwriter at malaki ang papel ng mga kanta nito sa panliligaw niya kay Sherilyn.
Ang paghahanda sa concert ang pinagkaka-abalahan ni Sherilyn habang ang Moms ng QTV 11 lang ang regular show niya. Nami-miss nito ang Bahay Mo Ba ‘To, pero masaya ang kanyang pamilya na mas madalas siyang nasa bahay ngayon.
May binanggit si Sherilyn na twist sa concert at malalaman n’yo kung ano ito ‘pag nanood kayo sa concert. Script is by Noel Ferrer at musical director si Bond Samson.
Tickets are at P1,500, P1,200 and P800 and available at Ticketworld outlets at all National Bookstore and at Music Museum ticketron.