Matapos ang halos kalahating taon ng kanilang pagkakahiwalay, nagkita na rin at nakausap ng personal sina Ruffa Gutierrez at ang kanyang asawang si Yilmaz Bektas. Makikita mo naman ang kasiyahan ni Yilmaz habang naglalarong kasama ang dalawa nilang anak. Sinabi rin niya nang tuwiran na umaasa siyang magkakasundo silang muli ni Ruffa at mabubuo ang kanilang pamilya.
‘Yang pagtungo rito sa Pilipinas ni Yilmaz ay pagpapakita ng kanyang pagpapakumbaba. ‘Yon ding pangako niya na ititira niya ang kanyang pamilya sa bagong bahay nila sa Spain kung talagang ayaw nang magbalik ni Ruffa sa Istanbul ay nagpapakita lamang na gusto talaga niyang mabuong muli ang kanilang pamilya.
Tama naman ‘yong sinabi ni Ruffa na kaya niyang bigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang mga anak, pero hindi naman niya maikakaila na si Yilmaz ang ama ng kanyang mga anak. Hindi rin naman niya maikakaila na mas magandang kabuhayan ang maaaring asahan ng kanyang mga anak kung kasama nila si Yilmaz. Kaya nga siguro sa panahong ito ay kailangang isipin naman ni Ruffa ang kinabukasan ng kanilang mga anak. Tutal nagpapakumbaba na si Yilmaz.
Sana naman huwag nang intrigahin pa ‘yang muling pagsasama nina Ruffa at Yilmaz kung sakali. Hindi ba mas nakakatuwa naman iyong mabalitaan nating may mga taong nagkakasundo at mga pamilyang nabubuo kaysa sa mga nag-aawayan at naghihiwalay?
Aywan lang pero kung kami ang tatanungin, mas maganda nga kung magkakasundo silang muli.
* * *
Iyong programang Walang Tulugan ni Kuya Germs ay tatlong beses inire-replay sa pamamagitan ng cable sa abroad. Kasi nga, yon ang hinahanap talaga ng mga subscribers ng Pinoy TV. Hindi nila maikakaila na ang show ni Kuya Germs ang pinaka-sikat doon. Mas pinanonood iyon ng mga Pinoy sa abroad kaysa sa mga seryeng ginawa ni Angel Locsin.
Pero may nagsasabi nga, bakit sa halip na mag-replay sila ay hindi nila gawing tatlo ang shows ni Kuya Germs? Hindi ba noong araw ay may balak na gawin na lang daily show yong Walang Tulugan, iiklian na lang ang oras? Halimbawa isang oras na lang pero araw-araw naman. Kung gagawin nila iyon, palagay namin mas marami silang makukuhang subscriber para sa Pinoy TV.
Mas mapapanood doon ang iba nilang shows, at hindi na magugulat ang iba nilang artista kagaya ni Angel Locsin na hindi pala siya kilala sa abroad bilang artista hanggang ngayon.
* * *
Isang linggo nang sira ang PLDT line namin, at wala silang ginagawa para ma-repair iyon sa kabila ng aming reklamo. Hindi namin masisisi ang mga repairman. Isang repairman lang pala ang naka-assign sa mahigit na dalawang libong subscribers. Papaano nga niya magagawa lahat ng sirang linya? Ginagawa raw yon ng PLDT para makatipid at para lumaki pa ang kanilang tubo. Kawawa naman ang kagaya naming subscriber ng PLDT, sira ang telepono pero kumpleto ang singil.