Sa darating na Miyerkoles, Agosto 15 ay nakatakdang umalis ang teen pop star na si Sarah Geronimo patungong Amerika para sa kanyang ikatlong U.S. concert tour kaya bago umalis ay nagpatawag ang ABS-CBN ng solo presscon para sa kanya dahil mahigit isang buwan siyang mawawala.
Sa susunod na buwan na ipapalabas ang kanyang pinakabagong teleserye na pinamagatang Pangarap na Bituin kung saan niya katambal sa kauna-unahang pagkakataon si Jericho Rosales. Kabituin ni Sarah at Jericho sina Rica Peralejo at Maja Salvador kasama sina John Arcilla, Sandy Andolong, Cherrie Pie Pecache, Rio Locsin at Joel Torre.
Ang Pangarap na Bituin ay pangatlong teleserye na bale ni Sarah. Nauna rito ang Sarah, the Teen Princess nung 2004 na sinundan ng top-rating teleserye na Bituing Walang Ningning.
Kahit 19 na si Sarah, ayaw pa rin niyang makipag-kissing scene sa kanyang leading man dahil gusto umano niyang manatili ang kanyang pagiging role model sa kabataan.
Ang pattern ng tagumpay ni Sarah ay maihahalintulad sa Asia’s Songbird na si Regine Velasquez na sa murang edad, nagsimulang kumanta at sumali sa iba’t ibang singing competitions.
Sa edad na 19, loveless pa rin si Sarah pero hindi umano siya nagmamadali dahil kahit sa kanyang sarili ay halos wala siyang oras sa rami ng kanyang trabaho at mga commitments.
Ang ultimate goal ni Sarah ay makilala siya internationally tulad ng isa pa niyang idol na si Lea Salonga.
Sa kabila ng kanyang tight schedule, pangarap ni Sarah na matapos niya ang kanyang pag-aaral kaya kahit hirap siya sa kanyang schedule ay pilit niya itong isinisingit.
* * *
Mahal pa rin nina Rufa Mae Quinto at Erik Santos ang isa’t isa kahit hiwalay na sila kaya hindi imposibleng muli silang magkabalikan. Sa kabila ng kanilang break-up ay open pa rin umano ang kanilang communication line at nangako raw si Rufa Mae na panonoorin ang concert ng kanyang ex-boyfriend sa Big Dome sa darating na Oktubre 19.
Paalis kami ngayong umaga patungong New York, USA at isa sa gusto naming isingit sa aming schedule ang panoorin ang Les Miserables sa Broadway kung saan si Lea Salonga ang lead star. Nagkaroon din kami noon ng pagkakataon na mapanood si Lea sa Broadway version ng Miss Saigon at very proud kami bilang Pilipino habang binibigyan si Lea ng standing ovation ng audience na nagmula sa iba’t ibang bansa.