Hindi namin alam kung bakit ginagawang issue ng iba kung gamitin man ni Lovi ang apelyidong Poe. Hindi man niya sinasabi nang diretsahan, alam naman ng lahat ng mga tao sa showbusiness na anak siya ng movie king na si FPJ.
Maski naman noong pumapasok pa lamang siya sa showbusiness, kahit na ipinipilit niyang makilala lamang siya sa kanyang first name na Lovi, na ginamit sa telebisyon at sa kanyang recording, hindi pa rin naman naikubli na anak nga siya ni FPJ.
Noong una, may mga nagre-react kasi nga na man ang alam ng lahat halos noong una ay walang anak si FPJ, at ang kinikilalang anak niya, si Mary Grace ay ampon lang talaga. Noong mamatay si FPJ, naglabasan na isa-isa ang mga tunay na anak niya.
Maliwanag nga naman na noong nabubuhay pa si FPJ, kahit na nga sabihing di naman niya pinabayaan ang kanyang mga anak, hindi niya inilalantad ang mga iyon sa publiko bilang respeto na rin siguro sa kanyang asawang si Susan Roces, dahil hindi naman maikakaila na mag-asawa na sila ni Susan nang maging anak niya ang mga iyon.
Pero halimbawa, kagaya ngayon, nang kunin ni Mother Lily si Lovi bilang isang artista, gusto niyang gamitin ang screen name na Lovi Poe. Hindi mo naman maipagkakait sa bata yon dahil kahit naman noong araw ay ginagamit niya ang apelyido ng tatay niya, hindi nga lang in public.
Aywan kung bakit ginagawa pang issue ‘yan ngayon ng iba. Kung kami lang ang tatanungin, palagay namin ay hindi naman dapat.
* * *
Hanggang ngayon ay talagang nabubuhay na sunod sa layaw ang isang female bold star, kahit na sa totoo lang matagal na siyang walang pelikula. Hanggang ngayon pala ay dinadalaw siya rito ng kanyang boyfriend na isang Japanese DOM, kung hindi naman ay palihim siyang nagpupunta sa Japan para magkita sila.
Ang Japanese DOM daw ang nagbabayad ng kanyang condo, at sasakyan, na malapit nang matapos ang paghuhulog.
Pagkatapos naman daw noon, may pangako pa ang DOM na ibibili na siya ng bahay talaga.