Kung humanga kayo sa The Bourne Identity noong 2002 at The Bourne Supremacy noong 2004, mas lalo sa ikatlong pelikula tungkol kay Jason Bourne.
Oo, nagbabalik na naman si Matt Damon bilang trained assassin, Jason Bourne, sa ikatlong yugto ng serye, The Bourne Ultimatum, para bigkasin ang mga linyang, “I remember everything.”
Sa paghahanap niya sa katotohanan, dadalhin siya ng kapalaran sa mga malalaking siyudad sa mundo.
Isang partikular na stunt ang tunay na kagilagilalas dito. Tumatakbo siya sa bubungan ng ilang bahay sa Tangier, Morocco at bigla siyang lulundag ng may labinlimang piye mula sa ituktok ng bubong tuluy-tuloy sa isang bintana sa kabilang bahay ng akmang-akma. Ngayon lang nakagawa ng ganito sa puting-tabing!
Sa ikatlong seryeng ito, patay na ang kasintahan ni Bourne, si Marie, kaya parang hindi na mahalaga para sa kanya ang buhay. Tanggal na ang takot sa kanya. Pero dalawang babae ang magbibigay ng tulong sa kanya: si Pamela Landy (Joan Allen) isang spy hunter at CIA operative at internal investigator na nakikisimpatiya sa kanyang ipinakikipaglaban, at si Nicky Parsons (Julia Stiles), isa ring CIA agent na naniniwala sa kanyang misyon na may halong admirasyon.
Mula sa Universal Pictures, ang spy-action genre na ito ay ipinamamahagi ng United International Pictures sa pamamagitan ng Solar Entertainment Corporation at mapapanood sa paborito ninyong sinehan sa Agosto 15. — EMY ABUAN