Tapos na ang two-week crash course sa Fashion Design na kinuha ni Angel Locsin sa London. Sa kanyang huling gabi dun ay nanood sila ng kanyang mga bagong naging kaibigan ng Les Miserables, ang stage musicale na pinagbibidahan ng ating kababayang si Joanna Ampil.
Aminado si Angel na kinilabutan siya sa matitinding eksena ni Joanna, ang galing-galing daw umarte ng ating kababayan, hindi niya napigilan ang mapaiyak sa pagsasara ng dulang pang-entablado.
Kumain sila sa isang Chinese restaurant, napaiyak si Angel dahil maiiwan niya sa London ang mga taong napamahal na sa kanya sa loob nang dalawang linggo ng kanyang pananatili doon, hindi nga naman kasi ang haba at igsi ng panahon ang sukatan ng pagkakaibigan kundi ang sinseridad nu’n.
Sabi ni Angel, “Kapag nakakakita ako ng mga Pilipino dun, tinatanong nila ako kung saan ako nakatira. Kung wala raw akong tirahan, sa kanila na lang ako mag-stay. Inaampon na nila ako,” kwento ng dalaga sa The Buzz sa isang footage na mula sa ABS-CBN-Europe.
Sa kanyang pagbabalik sa bansa ay kumpirmadong pipirma na ng kontrata sa ABS-CBN ang itinuturing na mahalagang artista ng GMA-7, malaki ang pagkakaiba ng mga salitang mahalaga at pinahahalagahan, isa yun sa mga dahilan kung bakit hindi na nag-renew ng kontrata sa Siete si Angel at ang kanyang manager na si Becky Aguila.
Sa kanyang paglipat sa Dos ay umaasa ang kanyang amang si Mang Angel Colmenares na mabibigyan na ng katuparan ang hiling ng dalaga na magkaroon ng panahon para sa kanyang sarili, lalo na para sa kanyang pamilya, na ipagdamot sa kanya noon ng pagkaka taon.
Sa madaling salita ay ituturing na taong may damdamin at mga pangangailangan ng ABS-CBN si Angel Locsin at hindi isang makina.
* * *
Sa kanyang pagbabalik ay nangako si Angel na kakausapin niya ang mga taong kailangan niyang kausapin, hindi man niya sinabi ang mga pangalan ng mga taong yun ay ma daling isipin na ang mga ehekutibo ng Siete ang kanyang tinutukoy, siguro’y pormal siyang magpapaalam sa mga ito.
Ang paglipat niya naman ng istasyon ay hindi nanganga hulugan ng pagsusunog na ng tulay, kung tutuusin ay nakatikim nga agad ng mga tadyak at bigwas ng mga taga-Siete ang dalaga, isang bagay na itinatanggi ngayon ng mga tagaroon.
Huwag na tayong magbolahan pa, huwag na tayong magpaikutan pa, hindi pa man sumisingaw ang kwentong lilipat na ng istasyon si Angel ay ninega na siya ng mismong mga taga-GMA.
Kahit naman balikan natin ngayon ang mga naglabasang balita sa mga pahayagan noon ay makikitang mismong mga taga-Siete ang umuupak sa dalaga.
Paano ba natin maipagkakaila at mapasisinungalingan ang mga kwentong nasulat na?
Sino ba ang batang aktres na sinasabi ng mga ito na may ere na, na maldita na, na nagpapaimportante na? Napakaraming isyung ibinabato noon kay Angel, pero ang masakit ay nanggaling pa yun mismo sa istasyong kinabibilangan niya, kaya nasaan nga naman ang napakahalagang proteksyon dapat natatanggap ng artista mula sa mga pakpak na nagyuyungyong sa kanya?
May mga nagtataas ng kilay sa ipinahayag ni Becky Aguila na hindi naman pera-pera lang ang esensiya ng buhay, sigurado raw na labis-labis sa dating tinatanggap ni Angel sa Siete ang nakasaad sa kontratang pipirmahan nila sa ABS-CBN, kaya naengganyo silang lumipat.
Sa buhay na ito kung minsan ay pangalawa na lang ang kalansing ng pera, may mga pagkakataong kinalilimutan natin yun sa ngalan ng prinsipyo at res peto sa ating sarili, aanhin naman natin ang pera kung masyado nang binabalewala ang ating pagkatao?