Pinasaya ng socialite na si Tessa Prieto Valdez ang presscon ng Celebrity Duets, isang bagong reality search program ng GMA7 na magsisimula sa Agosto 11. Hindi kasi ito nagpatumpik-tumpik sa pagsasabing mananalo siya sa nasabing pakontes.
Dahil daw ang mananalo ay ibabase sa text votes, ngayon pa lamang ay tinitiyak na niyang makakaabot siya hanggang sa huling linggo ng paligsahan na tinawanan lamang ng kanyang makakalaban na sina Bb. Pilipinas Universe Ana Theresa Licaros, TV host, events organizer Tim Yap, cosmetics surgeon Manny Calayan, entrepreneur cum talent manager Jessica Rodriguez, dashing doctor from Belo Medical group at sinasabing constant date ni Vicki Belo, Hayden Kho, talent manager Wyngard Tracy, fashion designer Frederick Peralta.
Sinabi rin ng fashion icon at isa ring columnist na bagaman at hindi siya marunong kumanta, dadaanin na lamang niya sa pagandahan ng costume ang labanan. Hindi pa man nagsisimula ang contest ay malaki na ang abono niya dahil, bumili siya ng karaoke system at kumuha ng voice coach. Isang milyon lamang ang premyo ng mananalo at ang kalahati nito ay obligado silang ibigay sa isang charity na mapipili nila.
Ang Celebrity Duets na iho-host nina Ogie Alcasid at Regine Velasquez ay isang ideya ni Simon Cowell, isa sa mga judges ng American Idol at mabilis na naging popular sa US.
Bagaman at may text votes, meron pa ring tatlong judges na huhusga sa performances ng mga contestants, sina Louie Ocampo, Mitch Valdez at Buboy Garovillo.
Binigyan ang walong celebrity contestants ng pagkakataong pumili ng kanilang makaka-duet at mga kantang kanilang ipi-perform.
* * *
Sa wakas, nagka-pe likula na rin ang isa sa mga housemates ng Pinoy Big Brother Season 1 na si Chx Alcala.
Kasama siya at may mahalagang role sa isang Indie Film na ginawa ng Daven Production, gumawa rin ng Troika sa direksyon ni Aloy Adlawan, ang gumawa ng script ng Ouija.
Ang movie na pinamagatang Signos dating Alabok, ay isang suspense horror film, tungkol sa isang arkitektong tinalikuran ang kanyang probinsyang pinagmulan. Nagbalik lamang siya rito nang mamatay sa atake sa puso ang kanyang ama.
Sa kanyang pagbabalik, iba’t ibang misteryo ang kanyang nadiskubre.
Isang babaeng putik ang role ni Chx.
“Nahirapan ako dahil kinailangan kong magpagulong-gulong sa putik.”
Meron din siyang kissing scene kay Luis Alandy.
“Okay lang naman, nawindang lang ako dahil sa first shooting day ko ay ito kaagad ang unang eksenang ipinagawa sa akin. Mabuti na lang Indie, dahil di pwedeng ang maraming takes, kailangang sa unang take pa lang ay perfect na,” sabi niya.
Bago ang Signos ay maraming offers para kay Chx pero, walang napili ang Artist Center na siyang humahawak ng career niya.
“Okay lang sa akin ang magpa-sexy pero, ayaw ng Talent Center. Ayaw ko rin naman ng bold, wala akong boobs,” sabi niya.