Sinasabi ni Yasmien Kurdi na kung siya lang daw ang tatanungin, mas bibigyan niya ng priority ang kanyang singing career. Siguro nga masyado lang siyang inspired dahil ang kauna-unahang kanta na siya ang sumulat, ang “Love is All I Need” ay naging isang hit.
Siguro nae-encourage rin siya dahil nang maging hit ang kanyang kanta, maraming kumukuha sa kanya sa mga shows at mas kumikita siya ng malaki. Siguro naririnig din naman niya ang kuwento ng ibang mga singers na kumikita sila ng mas malaki pa kaysa sa mga artistang nagpupuyat sa shooting ng pelikula.
Pero bilang isang observer, ang paniwala namin, dapat mas bigyan ng priority ni Yasmien ang kanyang career bilang isang aktres. Una, totoong malaki ang kita ng mga singers, pero alam naman ninyo ang mga iyan “good as your last song” ka lang. Walang singer na ang popularidad ay tumagal ng maraming taon na kagaya ng mga artista.
Ayaw na naming pagbasehan ang napapanood naming mga ginagawa ni Yasmien paminsan-minsan. Ang gusto na lang naming pagbasehan ay ang ipinakita niyang acting noon sa Bakekang, aba eh mahusay na aktres si Yasmien.
In fact natabunan niya roon ang inaasahan nilang sisikat na si Lovi. Kontrabida si Yasmien pero siya ang mas nagustuhan ng mga tao. Sa totoo lang mas nagustuhan din namin si Yasmien doon at naipakita niyang mahusay siyang aktres, hindi kagaya noong Lovi na naniwala yatang sapat na ang magpa-cute sa camera.
Ngayon nabibigyan ng break si Yasmien. Siya ang nagre-remake ng ilang pelikulang ginawa noon ni Sharon Cuneta para sa tv. Aba mas bagay namang mag-remake ng pelikula ni Sharon si Yasmien dahil magaling siyang kumanta at higit sa lahat, maganda siya at mukha namang artista talaga.
* * *
Kahit na sinasabi ng mga taga-GMA 7 na sa ngayon ay wala namang kailangang alalahanin si Jennylyn Mercado dahil tutuparin pa rin nila ang kasunduan sa kontrata nila, hindi na siya makakaasa ng build up. Hindi mo rin naman masisisi ang Channel 7 dahil kahit naman sino, pagkatapos ng lahat makikipag-deal ka pa ba sa manager ni Jennylyn?
Lumipat man sila sa ABS-CBN, tagilid pa rin ang bangka nila. Hindi kaya iisipin din ng mga taga-ABS-CBN na kung nagawa nila iyon sa GMA eh hindi iyon magagawa sa kanila pagdating ng araw?
Kaya nga ang usap-usapan ngayon, papaano naman daw kaya maisa-save ni Jennylyn Mercado ang kanyang career para hindi maapektuhan ng controversy na nilikha ng kanyang manager? Kung kami ang tatanungin, iisang solusyon lang ang nakikita naming maaaring mangyari riyan.
* * *
Ang talaga palang dahilan kung bakit nakipag-break ang isang male star sa syota niyang female star din nang biglang-bigla ay dahil na-pressure na siya ng kanyang “tita”. In short may karelasyon palang matrona ang male star. Iyon daw ang sumusuporta sa kanya kaya kahit na wala siyang maysadong assignment ay ok lang ang buhay niya. Dumating na rin daw ang point na ayaw ng matrona na may iba pang girlfriend ang male star, kaya nang pamiliin siya noon, iniwanan niya ang girlfriend niyang female star. Piliin nga naman niya ang female star eh di pareho silang gutom.