Late na late na akong dumating sa pa-presscon ng ABS CBN para sa manager at ama ni Angel Locsin. Kasama ng dalawa ang kanilang legal counsel.
Marami sa mga naging sagot ni Becky Aguila sa mga ibinatong tanong sa kanya ng press ay nabasa ko na sa mga isinusulat ng mga PRO niya.
Ang bago lamang sa sinabi niya ay hindi package deal ang mga alaga niya, may individual jobs/careers sila and she hopes na hindi sila maapektuhan sa isyu nila ni Angel.
Bago rin sa pandinig ko yong sinabi niyang pagbabalik ni Angel ay agad itong makikipag-usap sa mga executives ng GMA bagaman at gustung-gusto ko na sana makisawsaw sa mga tanungan at tanungin siyang bakit ngayon lamang at hindi nung bago ito umalis. Eh di sana wala nang gulo.
Angel will be arriving in a few days, Sana mas makapagbigay siya ng malinaw na sagot sa mga bagay na malabo pa sa marami hinggil sa ginawa nila (o gagawin pa lang) na paglipat ng network, na hindi pa sila nagkakapirmahan ay binigyan na sila agad ng pa-presscon ng lilipatan nilang bagong bahay.
* * *
Si Vhong Navarro ang isa sa mga endorser ng Enervon C. Kasama na siya sa humahabang listahan ng mga endorser ng nasabing bitamina.
Naniniwala siya na kinuha siya hindi dahil mukhang kailangan niyang mag-vitamins kundi dahilan energetic siya, sumasayaw at nagta-tumbling.
Para maiwasan ang aksidenteng kinasangkutan nun ni Toni Gonzaga habang nagso-shoot ng TVC ng Enervon C, binigyan nila si Vhong ng stunt double na hindi naman nito nagamit dahil siya mismo ang gumawa ng mga stunts niya sa bike.
Meron ding naka-standby na nurse at ambulance, just in case kailanganin pero natapos ang shoot ng mapayapa.
Samantala, hindi pa makapag-salita si Vhong tungkol sa kanyang lovelife hangga’t di natatapos ang kanyang annulment case.
* * *
Magsisimula ngayong hapon sa GMA pagkatapos ng SOP ang isa pang reality search na pagtutulungang itaguyod ng network at ng Coca Cola. Ito ang Coca Cola Ride To Fame: Yes To Your Dreams.
Sa loob ng 12 weeks, magsasagawa ng isang search for the next total performer. Labindalawang teens na pawang kumakanta, nagko-compose ng kanta at marunong sumayaw ang pinli.
Labintatlong linggong sasailalim sa mga challenges ang 12, Sakay ng isang Coke Fame Bus, ihahatid sila nito sa kanilang kasikatan.
Sa mananalong newbie, bukod sa stardom, P1M ang maiuuwi niya.
Tatlo ang hahatol sa 12, Kyla, Jimmy Antiporda at Joshua Zamora. Sina Drew Arellano at Karel Marquez ang magsisilbing mga hosts.
Ang 12 ay sina Aaron Cadawas mula QC, Gus Comia, Alchris Galura, best actor ng Cinemalaya 2006, Daryl Lagos, Carl Guevarra at Alexander Lex Uy ng Davao.
Avajane Jugueta, Rosan Reodica, Pamela Bondoc, Qwyncy Rei Siclot, Frances Lagura at Musique Cabaltesa.
* * *
Bagaman at si Ryan Agoncillo ang major male star ng My Kuya’s Wedding ng Regal, sila ni Pauleen Luna ang magka-partner, ang tandem nina Maja Salvador at Jason Abalos ay mabibigay ng malaking push sa maituturing na launching at biggest break ni Maja sa pelikula. Siya ang kapatid ni Ryan sa pelikula who got jealous of his girl.
Hindi ba siya nanghihinayang at magkapatid sila at hindi magka-partner ni Ryan sa pelikula?
“How I wish na naging kami ang magka-partner, sa movie pero, Mother (Lily) knows best. If she thinks na mas klik kami bilang siblings eh di okey. Marami na siyang hit movies, hindi na siya magkakamali sa pagka-casting. Malaking honor sa akin na pinili niya ako for this film. Siya ang nag-build up kina Ms. Maricel Soriano at Ms. Kris Aquino, siya rin pala ang tutupad ng aking pangarap,” ani Maja who is paired anew with Jason in the Regal movie. Talk of chemistry, meron sila nito, swak na swak pa.
Si Topel Lee ang nagdirek ng movie which also stars Say Alonzo, Frank Garcia, Ethel Booba, Janus del Prado, Dick Israel, Debralz, Kitkat, Cheena at iba pa.
* * *