Juday, marunong tumanaw ng utang na loob
Ngayon si Judy Ann Santos naman ang nagsasabing hindi siya aalis sa kanyang home network. Kung iisipin, mas nauna ngang may kumalat na tsismis na baka lumipat siya sa GMA 7 dahil sa ginawa niyang pelikula sa GMA Films. Iyon ay noong hindi pa man malay pag-usapan ang mga tsismis na lilipat sa ABS-CBN si Angel Locsin.
Pero naniniwala kami sa sinasabi ni Juday, dahil kung iyan o kaya ang kanyang manager ay lihim nang nakikipag-negotiate sa Channel 7, kagaya ng ginawa ng manager ni Angel nang magpasiya silang lumipat sa Channel 2, hindi na gagawa pa ng denial ang sinuman sa kanila. In the first place, hindi kami naniniwala na papasok sa isang secret negotiations ang manager ni Juday, dahil nagsisimula pa lang ng usapan ay alam na ng lahat ng tao kung ano ang pinag-uusapan nila. Very transparent yang si Alfie Lorenzo. Hindi mo masusubukan yan na nagtatago ng kahit na ano, lalo na nga kung concerned talaga ang career ng kanyang mga alaga.
Siguro ang kaibahan ni Alfie, professional talent manager kasi siya. Hindi ang panandaliang advantage lamang ang kanyang iniisip kundi ang katayuan din ng kanyang sariling career bilang isang talent manager. Aba kung masira ka dahil sa isang talent lang, papaano ka pa nga ba makakabawi pagdating ng araw?
Isa pa, si Juday naman talaga marunong tumanaw ng utang na loob. Tingnan nga ninyo, noong mag-celebrate siya ng kanyang anniversary pati na yong kauna-unahan niyang manager, pinasalamatan niya. Eh ang ibang stars, naaalala pa ba nila kung papaano at kung kanino sila talagang nagsimula?
* * *
Nilinaw ng sexy star na si Asia Agcaoili na totoong laman ng kanyang bagong video na Bedtime Stories ay mga totoong pangyayari nga sa kanyang buhay. Siguro hindi naman ganoon katindi talaga ang mga pangyayari, pero sinasabi ngang mayroon naman silang cinematic license para gawin kung ano ang mga pagbabagong magiging maganda para sa kanilang ginawang video.
Sa ginagawa nilang video, sinasabi nga ni Asia na iminumulat nila ang kaisipan ng adult audience na maaari namang gumawa ng video na sexy lang, hindi kagaya noong mga bastos na video na puro “scandal” at hinahayaan namang mabili sa mga bangketa.
Ang gusto nilang mang yari, maimulat ang masa na ang mga sexy videos ay hindi naman dapat maging bastos.
* * *
Kinukumbinsi raw ng isang talent manager ang kanyang alagang female star na patulan na ang manliligaw nitong DOM na malaki ang agwat ng edad sa kanya.
After all may pangako naman ito na magbibigay ng puhunan para makapag-produce ng pelikula na ang mismong female starlet ang bida.
Pero hindi pa rin pumapatol ang female starlet. Inaamin naman niya na hindi na siya virgin. May anak na nga siya eh. Pero kung nagkamali nga naman siya ng minsan, hindi na dapat pang maulit iyon. Pero sa totoo lang, may mga manager talagang ganyan. Walang kamoral-moral.
- Latest