“I’m leaving Philippines for good,” simula ng mensaheng ipinadala sa amin ni Sandara Park nung isang araw.
Kahapon nang makapananghali ay umalis na ang batang aktres kasama ang kanyang ina at mga kapatid pauwi sa Korea, tuluyan na niyang tinalikuran ang showbiz, dun na sila maninirahan.
Isang araw bago umalis si Sandy ay nagpunta muna siya sa opisina ng Talent Center (Star Magic na ngayon), nagdala siya ng cake para kay Direk Johnny Manahan, nagpaalam siya sa mga taong ilang taon din niyang nakasama.
Sa Seoul muna maninirahan ang mag-iina, may isang kumpanyang nagmagandang-loob na magbigay ng lugar na pansamantala nilang matitirhan, hindi uuwi sina Sandara sa kanilang probinsiya.
Mula sa Busan ang pamilya Park, pagtatrabaho sa bukid ang kanilang ikinabubuhay, pero labing-isang taon na ang nakararaan ay nagdesisyon silang manirahan dito sa Pilipinas dahil nagkaroon ng negosyo dito ang kanyang ama.
Naging maayos naman ang kanilang kalagayan dito nung mga unang taon, hanggang sa malulong sa sugal si Yuri Park, dun na nagsimula ang mga indulto sa kanilang pamilya.
Nakulong ang ama ni Sandy, ilang taon nang siya ang tumatayong padre de pamilya, pero nitong mga huling panahon ay hindi na naging maganda ang takbo ng kanyang career.
Ang pangyayaring yun ay hindi maaaring isisi ni Sandara sa Talent Center at sa mga taong nagpapatakbo sa kanyang career, lalong hindi niya puwedeng ituon ang sisi sa kanyang mga kaibigan, dahil nung magdesisyon siyang mawala nang ilang buwan sa kainitan ng kanyang papularidad ay maraming nagpayo sa kanya na huwag umalis.
Nakakatakot ang ganun, ang pagkawala ay puwedeng mauwi sa paglimot at ganun nga ang naganap kay Sandara Park, nung magbalik-Pilipinas siya ay meron nang mga bagong mukha, meron nang mga bagong kabataang artistang mahal ang bayan, wala na siyang tronong binalikan.
May katigasan ang ulo ni Sandara Park, kung ano ang gusto niya at maisip niya ay yun ang kanyang ginagawa, kahit pa kontra ang marami sa gusto niyang mangyari.
* * *
Tapos na ang kanilang relasyon ni Joseph Bitangcol, tumagal din nang halos tatlong taon ang kanilang pagmamahalan, syempre’y ikinalulungkot ni Joseph ang desisyon ni Sandy na bumalik na sa Korea pero wala naman itong magagawa.
Kunsabagay ay maganda na rin ang naging desisyon ni Sandara, ngayong September ay renewal na naman ang kanyang working visa, kailangan ding ayusin ang mga dokumento ng kanyang ina at mga kapatid sa paninirahan dito at saan nga naman siya kukuha ng pambayad dun kung ganitong wala naman siyang mapagkukunan?
Wala na siyang regular na program, magkaroon man siya ng mga provincial shows ay hindi naman fiesta araw-araw, kaya kesa sa magkautang-utang sila dito ay nagdesisyon na ang batang aktres na bumalik na sa kanilang bayang sinilangan.
Masakit na masakit para kay Sandy ang pangyayaring ito, naranasan din kasi nilang mamuhay nang masarap, dahil nung kanyang kainitan ay mabentang-mabenta siya.
Isang malaking ehemplo para sa iba pang mga artista ang nangyari kay Sandy, isang malaking patotoo ito na ang kasikatan ay hindi panghabambuhay, ngayon ay nakaupo ka sa trono pero kinabukasan ay meron nang ibang umookupa sa pwesto mo.
Umalis si Sandara na bigo, wala na siyang naipon ay wasak pa ang kanyang puso. Isang panibagong buhay ang kailangan nilang simulan sa Seoul, magiging mahirap para sa kanila ang ganun, pero wala na silang ibang pamimilian pa.
Kung susuwertihin si Sandy ay puwede rin siyang mag-apply sa Korea TV network, putok na putok naman dito ang mga Korean-novela, malay natin kung mapahanga niya ang mga ehekutibo ng kumpanya at bigyan siya ng mga seryeng ipalalabas sa buong Asia?