Hindi feel pareho nina Nadine Samonte at Yasmien Kurdi na pumalit sa tronong iiwan ni Angel Locsin sa GMA-7. Ayaw maging reyna ng dalawa’t mahirap daw i-maintain ang pagiging number one, kaya kontento na silang maging prinsesa.
Hindi nila pag-aawayan kung sino ang dapat tawaging prinsesa dahil magka-ibang title ang gusto nila. Maging Drama Princess ang habol ni Yasmien at Action Princess naman ang gusto ni Nadine dahil nag-enjoy sa Super Twins, pero nagda-drama siya sa Kung Mahawi Man Ang Ulap. Isyu na lang kung sino ang mas mataas sa dalawang title.
Masayang-masaya si Yasmien sa takbo ng career dahil puro projects ni Sharon Cuneta ang kanyang ginagawa. After Pati Ba Pintig ng Puso?, sila uli ni JC de Vera ang magkatambal sa Pasan Ko Ang Daigdig at posibleng sila rin ang loveteam sa My Only Love, another Sharon movie na pang-primetime at may eksenang kukunan sa US.
Dagdag na tuwa kay Yasmien ang mapasama sa cast ng Bahay Kubo, entry ng Regal sa Metro Manila Film Festival dahil si Maricel Soriano naman ang makakasama niya. Sa August 19 ang first shooting day na birthday ni Mother Lily.
* * *
Nalipat na pala ni Becky Aguila sa ABS-CBN ang child actress talent niyang si Ella Cruz. Balitang ang bagets ang bida sa remake ng Annaliza na unang lumabas sa GMA-7, pero nakuha ng Ch. 2 ang rights. Sa mga show ng Ch. 7 unang napanood si Ella at ang pinakahuli nitong ginawa’y ang Marimar as the young Marian Rivera na ‘di pa umeere.
Kung totoong ipu-pull out sa Boys Nxt Door sina Eunice Lagusad at Justin Plummer, madali niya itong maipapasok sa mga show ng Ch. 2. But how true na si Valerie Concepcion ay mananatili sa Ch. 7?
* * *
Mas lutang ang pag kakahawig ni Zeke Dimaguila ng PBB 2 kay Sam Milby ‘pag sa personal ninyong nakita ang una. Pareho pa silang Inglisero at sa accent lang nagka-iba’t may Australian accent si Zeke at American accent naman si Sam.
Nadiskubre pa naming apo ni Jose Rizal si Zeke dahil half-brother ng national hero ang kanyang ninuno. Natawa lang kami’t illegitimate side ng Rizal daw siya galing.
Maagang na-evict sa PBB 2 si Zeke dahil sa MTRCB, pero wala pang balak bumalik sa Sydney dahil nag-i-enjoy sa showbis. Napapanood siya sa ASAP , StarMyx ng MYX at iba pang shows ng Ch. 2. For somebody who grew up in Australia, conservative ang binata. Ayaw nito ng sexy pictorial. “I’m too wholesome for that,” wika nito.
* * *
Pinalabas na ang kissing scene nina Jennica Garcia at Mart Escudero sa Impostora at sa ganda ng eksena, hindi halatang ninerbyos ang dalagita habang sila’y nagti-taping. Take one ang eksena, pero may cure dahil ‘pag lumalapit na ang mukha ni Mart, tumitingin si Jen kay direk Maryo J. delos Reyes o kaya’y sa baba. Nanginig ito sa kaba.
Sa episode mamaya, balik sila sa pagiging magkaaway dahil ang flowers na bigay ni Yago (Mart) kay Karen (Jen) ay inihampas sa ulo niya’t nalamang ang binata ang may gawa ng pekeng kidnapping sa kanya.
Si Betty (Jean Garcia) ay aksidenteng nakita si Vanessa (Sunshine Dizon) sa isang kotse, pero hindi niya malalapitan. Tatawag siya sa mansion para masiguro kung ang anak nga ang nakita at magugulat na malamang natutulog si Vanessa.