Habang pinakikinggan ko ang bagong single ng next singing idol na si Ronnie Liang, na mula sa Universal Records, biglang tumawag ang isang kaibigan mula sa San Francisco, California.
Masaya ang kumustahan hanggang nagtanong siya kung girlfriend ng six-footer singer ang reigning Miss Earth Philippines-Air na si Kristel Dizon. Nakita kasi ng aking informer ang dalawa na very sweet na nag-dinner sa Fisherman’s Wharf .
“Bagay na bagay sila dahil matangkad din ang magandang si Kristel,” chika ng aking kausap sa kabilang linya.
Sabi ko naman sa kanya, ngayon ko lang narinig ang tungkol sa dalawa at kahit dito sa showbiz circle, walang nakakaalam na may ugnayan pala ang dalawa.
Nagkataon kasi na Frisco-based pala ang Pinay beauty queen, kaya’t isa ang dalaga sa mga sumalubong na mga taga-ABS-CBN na sumalubong sa tropa. Ang napansin lang ng lahat na naroon, concentrated si Kristel sa pag-asikaso kay Ronnie Liang.
Dahil excited din naman ako sa bagong development na ito tungkol kay Ronnie, agad ko siyang tinext.
Sumagot agad ang upcoming singing idol at masaya siya sa pangako ni Kristel na manonood sa kanilang show sa Frisco which itinanghal kagabi (Sabado).
Ilan text messages pa ang pinadala ni Ronnie na nagsasabing tagumpay ang kanilang pagtatanghal sa Anaheim, California.
“Dito pa lamang sa Anaheim naubos na ang dala kong mga “Ang Aking Awitin” CD,” sabi ni Ronnie.
Apat pa ang nakatakdang live concerts nila Ronnie sa USA naubos na ang kanyang dalang mga CDs, kaya’t wala nang inabutan ang iba pa niyang mga tagahangang manonood sa apat pang shows.
Noong nasa LA nagkaroon ng panahong mamasyal si Ronnie at nagtungo siya ulit sa Disneyland at Universal Studios.
Tungkol kay Kristel, tila pigil na pigil ang mga pahayag ni Ronnie. Kaya naman binitin din kami sa iba pang impormasyon na halatang tinatago niya!
* * *
Natatandaan pa ninyo si Pamboy, ang unang midget na sumikat sa Sineng Pinoy?
Gumanap pa si Pamboy sa title role ng Nuno Sa Punso. Isa rin siyang nuno sa punso sa Lola Sinderela na bida si Lolita Rodriguez.
Buhay at medyo malakas pa si Pamboy. Palagi siyang nakikitang naglalakad sa Balic-Balic, Sampaloc, Maynila at doon sa lugar na yon sa kalye ng Geronimo siya nakatira.
Ang dinaraing lang ni Pamboy sa ngayon ay ang humina niyang pandinig. Kaya’t nanawagan siya sa mga taga-pelikula na bigyan siya ng tulong na magkaroon ng hearing aid.
Kung sino ang magmamagandang loob na tulungan si Pamboy, madali siyang matutunton sa Geronimo, Balic-Balic, Sampaloc.