Umalis si Becky Aguila noong Sabado patungong London para makasama si Angel Locsin sa kanyang pag-aaral ng fashion design. Pero bago ito umalis ay nakausap namin siya (kasama sina Vinia Vivar at Reggee Bonoan) na mga publicists niya para ipaliwanag na hindi na ito pipirma ng bagong kontrata sa GMA 7. Wala pang kumpirmasyon kung lilipat sila sa Dos pero kailangan pa nilang mag-usap nina Angel at ama nito sa kanilang plano na pagpirma sa kabilang network. Baka hintayin pa ang pagbabalik ng aktres mula sa London.
Pero hindi nila nakakalimutan na malaki ang utang na loob nila sa GMA 7. Karapatan naman ng isang artista na makapagtrabaho sa ibang network kung nanaisin niya kapag naging freelancer na ito.
Pangulong GMA, Suportado Ang Anti-Film Piracy
Nag-released ng pondo si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo para tulungan ang Motion Picture Anti-Film Piracy Council (MPAFPC) sa pagsusulong ng mga proyekto nito at programa para masugpo ang film piracy sa bansa. Ito kasi ang malaking dahilan kung bakit nananamlay ang pelikulang Tagalog.
Ipinagkaloob noong July 19 sa pamamagitan ni Sec. Cerge Remonde ng Presidential Management Staff Director General ang initial amount na P1 million mula sa kabuuang P3-milllion President’s Social Fund Assistance sa Anti-Film Piracy Council sa Pangulong si Mr. Roesholam Camaligan.
Ang Motion Picture Anti-Film Piracy ay itinatag noong Oktubre 30, 1986 para sa isyung nauukol sa film piracy sa Pilipinas sa pakikipagtulungan nito sa kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Amalia, Limang Taon Nang Niloloko Ng Asawa
Twenty eight years nang nagsasama bilang mag-asawa sina Amalia Fuentes at Joey Stevens kung saan inamin na naging tapat siya sa kanyang asawa. Ni sa hinagap ay di nito sukat akalain na niloloko pala siya ng asawa kung saan may karelasyon ito at nagkaroon ng anak na tatlong taong gulang na ngayon. Pero ayaw yata itong aminin ni Joey.