Tamang-tama ang pagkakapili kay Alfred Vargas bilang endorser o image model ng Hammerhead na kung ilang taon din na “isinusuot’ ni Piolo Pascual. Perfect ito sa athletic build ni Alfred, one of the most-sought after bachelors sa local movies.
Asahan ninyong one of these days ay tatayo ang malaking billboard ni Alfred na lalong panggigigilan ng mga kababaihan ang pagiging macho ni Alfred lalo na’t suot niya ay Hammerhead.
Sa Presscon ng Hammerhead sa Barrackz (isa sa mga investors dito si Alfred) ay nabaling ang usapan sa teleseryeng Impostora at kung bakit up to now ay hindi pa lumalabas si Alfred. Eh halos patapos na ang teleserye na pinagbibidahan nina Sunshine Dizon at Iza Calzado ay ni anino ni Alfred ay hindi pa lumilitaw. Naku, hihintayin pa ba nilang matalakan ni Lolit Solis, ang manager ni Alfred na walang kaluluwang inuurungan?
Ang role ni Alfred ay bilang Carlos, ang maginoong lalaking ipagtatanggol si Iza Calzado sa lahat ng mga pang-aapi at sa bandang huli ay iibig sa dalaga.
Excited si Alfred sa teleseryeng ito dahil makakatrabaho niya si Maryo J. delos Reyes na abot langit ang kanyang paghanga bilang isa sa nirerespetong director sa local movies.
At hindi rin kami magtataka kung maging sa pananamit ni Alfred sa Impostora ay Hammerhead ang tumambad sa aming paningin. – REMY UMEREZ