Hindi namin nakilala si Desiree del Valle sa presscon ng Ouija dahil nag-iba ito ng hairdo. Naka-full bangs siya na bumagay naman. Kasama siya sa Ouija movie bilang si Lucy na kaibigan ni Sandra o Iza Calzado.
Sa Ouija ay na-possessed ito ng masamang ispiritu. Paano naman niya pinaghandaan ang karakter na ito?
“Nanood ako ng horror movies tungkol sa napo-possess at pinag-aralan kong mabuti ang kanyang ginagawa mula sa facial expression hanggang sa galaw ng katawan. I always practice infront of the mirror para tingnan kung ano ang aking itsura,” aniya.
“One time nga kinurot ako ng isang tagahanga at galit na galit sa akin dahil salbahe daw ako dahil inaapi ko si Jennylyn Mercado (na kasama ko sa Dangal ng Now & Forever). Sinumbatan pa ako kung bakit lagi kong inaaway si Alta (Jennylyn). Natutuwa naman ako dahil ibig sabihin, convincing ang portrayal ko bilang kontrabida,” dagdag pa nito.
Isa sa pangarap ni Des (palayaw ng aktres) ay makalabas sa isang action-sexy movie gaya nang ginagampanan ni Angelina Jolie dahil idolo niya ito.
Napagkakamalang Suplada
Tinanong sina Iza Calzado, Jolina Magdangal at Judy Ann Santos ng Ouija kung ano ang masasabi nila kay Rhian Ramos na kasama rin sa movie. Napagkakamalan kasi itong suplada.
Nagkakaisa sila sa pagsasabi na prangka si Rhian at Inglesera pa kaya akala nila ay suplada. Pero mabait naman daw ang young actress.
Madaling nakagawa ng pangalan si Rhian dahil bukod sa maganda ito at matalino ay may ibubuga sa pag-arte. Bentahe rin nito ang pagiging propesyonal sa trabaho at di nagbibigay ng sakit ng ulo sa director at staff ng kahit anong teleserye o pelikulang nilalabasan nito.
Polo, Nangangayayat
Nangayayat si Polo Ravales matapos itong maospital nang tatlong araw sa Medical City. Nanikip ang dibdib nito dahil sa pag-inom ng gamot na isang uri ng fat burner drugs. Kahit food supplement ay ayaw na rin nitong mag-take gayundin ang ibang gamot.
Nanghihinayang nga ito dahil tinanggihan ang FantasticMan at Tasya Fantasya pero kasama naman siya sa Lupin bilang manliligaw ni Rhian.