Buking na buking ang drama ng nagkakaedad na aktres na pihadong nakakaramdam na ng mga insecurity sa katawan.
Ang aktres ang nagpapasulat sa mga reporter ng mga isyu tungkol sa kanya at siyempre, siya rin ang sumasagot sa mga isyu na siya rin ang nag-imbento.
Kinatatakutan ngayon ang aktres ng kanyang mga kaibigan. Ang feeling nila, any moment eh sila naman ang gagamitin ng aktres sa gimik para tuloy-tuloy at walang patid ang pag-apir ng kanyang name sa mga diyaryo.
Sino ang aktres? Daaay, hindi ko siya papangalan dahil ayokong magpagamit sa kanya. Hindi ko pinangarap na pati ako eh idamay niya sa kanyang mga katsipan! Basta ang clue ko, hindi siya bold star at meron siyang weekly TV show!
* * *
Nakumpirma na nga na bangkay ni Rod Strunk ang natagpuan na dead sa parking lot ng Tracy Inn sa Tracy, California.
Bayolente ang pagkamatay ni Rod at kung hindi pa ito natsugi, hindi natin malalaman na nagpakasal pala siya sa isang unidentified American lady.
Lumantad kaya sa libing ni Rod ang girl na pinakasalan niya? Bakit hiwalay na sila? May kinalaman ba ang pagpapakamatay ni Rod sa pakikipaghiwalay ng kanyang misis?
Hindi pa nalulutas ang murder case ni Mama Nida Blanca at hindi na rin malalaman ang tunay na dahilan ng pagkitil ni Rod sa sariling buhay.
Nagpakamatay nga ba siya o biktima lang ng isang freak accident? Walang witness sa nangyari kay Rod kaya suicide ang lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis sa Tracy.
Habang isinusulat ko ito eh wala pang official statement si Kaye Torres tungkol sa pagpanaw ng kanyang step-father na pinaghihinalaan na utak sa pagpatay sa nanay niya.
Marami tayong interesado na malaman at marinig ang pahayag ni Kaye na anim na taon nang naghahanap ng katarungan sa pagkamatay ni Mama Nida.
Hindi pa handa si Kaye na magsalita dahil hindi niya pinagbigyan ang request ng Startalk staff noong Sabado.
Naiintindihan ko ang desisyon ni Kaye dahil marami pa itong gustong malaman tungkol sa pagkamatay ni Rod bago siya mag-grant ng interview.
Hindi mahirap humingi ng appointment kay Kaye dahil nagpapaunlak ito noon sa mga imbitasyon ng Startalk.
* * *
Laman uli ng mga diyaryo si Philip Medel na nakakulong pa rin sa Pasig City Jail.
Si Philip ang nagdawit noon kay Rod sa murder case ni Mama Nida pero binawi niya ang kanyang statement.
Hindi raw niya kilala si Rod at pinaninindigan niya ang kanyang sinabi na hindi sila magkakilala.
Dahil sa pagbawi ni Philip sa kanyang statement, pinagdudahan ang kanyang kredibilidad. May mga tao na ayaw nang paniwalaan ang mga statement niya.
Ang Nida Blanca murder case ang isa sa mga pinakamaingay na kaso na hindi pa nalulutas at malutas-lutas ng mga imbestigador.
Kung hindi pa nga namatay si Rod, hindi maaalala ng mga tao na unsolved pa rin ang kaso ni Mama Nida.
* * *
Sinulat ng isang reporter na secret lovers daw sina Diana Zubiri at Robin Padilla dahil nakita ang dalawa na magkasama sa isang restaurant.
Nakita lang na magkasama sa restaurant, secret lovers na? Ang reporter ba mismo ang nakakita kina Diana at Robin o may nagkuwento lang sa kanya?
Common sense, kung secret lovers ang dalawa, bakit sila magkikita sa isang public place?
Hindi nilinaw ng nagsulat kung may ibang kasama sina Diana at Robin. Hindi rin niya isinulat kung kailan at saan nangyari ang insidente? So, ang ibig sabihin, gumawa lamang siya ng conclusion kahit walang basehan ang kanyang kuwento. Mapanganib ‘yan day.