Mag-iingat na raw si Pinoy Dream Academy grand star dreamer Yeng Constantino sa biyahe niya ngayon sa USA simula sa July 18 dahil naging traumatic daw sa kanya ang first out of the country shows nila kasama ang Top 6 dahil kung anik-anik daw ang mga naglabasang balita rito sa Pilipinas.
Matatandaang pawang negatibo ang nakarating na balita rito sa Pilipinas nung nasa Amerika ang grupo ng PDA, nariyang naglasing si Yeng, nanigarilyo at kung anu-ano pa na ikinabahala ng pamilya niya lalo na ang kanyang ama.
Maging ang Channel 2 din ay naalarma sa nangyari sa Top 6 na naging dahilan kung bakit nabigyan ng sanction ang apat sa top na sina Panky Trinidad, Chad Peralta, Irish Fullerton at Jay-R Siaboc.
Kaya ang pangako ni Yeng na iniwan, “Hindi mauulit kung anuman ‘yung mga isyung nakarating dito, sure ‘yun.”
Pero mukhang malabong mangyari dahil kasama ni Yeng ang kanyang special friend na si RJ Jimenez sa tour at obviously, sila lang ang magkakasama ng madalas dahil among the guys na kasama tulad nina Ronnie Liang at Jay-R ay sa una siya super-close.
“Siguro po puro picture taking lang gagawin namin at saka sisiguraduhin kong hindi kami hihiwalay sa grupo para walang isyu,” paliwanag ng bagets.
Sa more than a month niyang wala sa Pilipinas ay pinaghahandaan naman ng magulang niya ang pagbabalik ni Yeng dahil bubuksan naman nila ang business niyang rehearsal shop na kung saan nagre-rehearsal ang mga banda dahil ito raw ang malakas na negosyo sa San Mateo at Montalban, Rizal kung saan ang home-base niya.
“Malaki po kasi ang kita, 2 to 3 thousand a day kasi P200 per hour po ang rate, so hindi na po masama dahil sa loob ng isang buwan, e, P60 thousand or more ang kita. Kesa naman po natutulog lang ang mga kinikita ko, tapos si mama, magtatayo ng bigasan at maliit na tindahan ng gulay, isda at meryendahan,” esplika ni Yeng.
Samantala, as of now ay namomroblema ang dalagita dahil hindi pa niya naga gawa ang mga soundtrack ng Sakal, Sakali, Saklolo, tatlong kanta sa TV ad niyang Pepsi Cola at mga awitin sa 2nd album niya.
* * *
And speaking of Pinoy Dream Academy ay nakatsikahan namin sa ABS-CBN ang pangatlong na-expel na si Geoff Taylor, ‘yung amboy na laking Cagayan Valley.
Hindi naman nagtatampo si Geoff sa Dream Big Productions dahil hindi naman daw siya napapabayaan bilang contract star nila for a year, kaya lang nagtatanong siya kung ano ang mangyayari sa katulad niyang hindi kasama sa Top 6.
May nabalitaan kaming gustong kumuha kay Geoff na isang clothing apparel, pero tila hindi naman yata interesado ang Dream Big Productions sa offer dahil balita namin ay hindi sinasagot ng mga bossing ng DBP na sina direk Laurenti Dyogi at Jon Ilagan ang mga inquiries kaya ipinadaan na lang ng kliyente sa co-manager ni Geoff na si Victor Felarca.
* * *
Ibinalita sa amin ng Program Manager ng Love Spell na si Ms. Dagang Vilbar na panalo ang tambalang Sam Milby at Angelica Panganiban na may titulong My Soulphone dahil winner daw ang show sa Metro-Manila ratings.
Hindi raw kasi ini-expect ng nasabing bossing na click pala ang Sam at Angelica team-up na nag-umpisa sa Maging Sino Ka Man.
Kaya ngayong araw, Linggo ay umaasang hindi bibitiwan ng supporters nina Sam at Angelica ang Love Spell right after ng Your Song. —REGGEE BONOAN