Ang balita na nag-suicide si Rod Strunk sa California ang hottest showbiz news kahapon.
Si Rod ang American husband ni Mama Nida Blanca at siya ang suspect sa pagpatay sa aktres noong November 2001.
Super-deny si Rod na may kinalaman siya sa pagpaslang kay Mama Nida kesehodang may mga ebidensya laban sa kanya ang NBI.
Nakabalik sa Amerika si Rod at mula nang mag-goodbye Philippines siya, wala nang nabalitaan tungkol sa kanya hanggang kumalat kahapon ang balita na nagpakamatay siya.
Kulang pa ang mga impormasyon tungkol sa pagpapakamatay ni Rod pero may mga nagsabi na kung true nga na siya ang nagpapatay kay Mama Nida, siningil na siya ng kanyang konsensya.
Hinihintay ng madlang-people ang reaksyon ni Kaye Torres sa nangyari sa kanyang stepfather. Buo ang paniniwala ni Kaye na may kinalaman si Rod sa pagpatay sa kanyang ina.
Naniniwala rin ako na may alam si Rod sa pagpatay kay Mama Nida dahil kung talagang inosente siya, bakit wala siyang kaabug-abog na bumalik sa Amerika sa gitna ng kainitan ng imbestigasyon sa kaso?
* * *
Napanood ko ang video ng pagrampa nina Katrina Halili at Asia Agcaoili sa event ng FHM at halatang-halata na sinapawan ni Asia si Katrina kahit nag-deny siya.
Ang sey ni Asia, may nagsabi raw sa kanya na sabayan niya sa pagrampa si Katrina.
Puwedeng tumanggi si Asia dahil moment ‘yon ni Katrina pero dahil type din niya na umeksena, nakisabay siya sa pagrampa.
Base sa video na napanood ko, natalbugan ni Asia si Katrina dahil mas revealing ang kanyang sexy outfit at halos lumipad sa ere ang beywang dahil bigay na bigay ang pagkembot niya.
Nagtagumpay ba si Asia sa pagnanakaw ng eksena kay Katrina? Oo naman dahil napansin ng mga tao ang kanyang ginawa at siya ang pinag-uusapan ngayon! Kanya-kanyang drama lang ‘yan ‘noh!
* * *
May mga ayaw maniwala sa ibinalita ko na Shaido ang title ng next TV series ng GMA 7.
Sorry na lang sa mga hindi naniniwala dahil ‘yon talaga ang pamagat ng show pero nilagyan ito ng sub-title na Pulis-Pangkalawakan.
Puwede rin na mag-isip ng bagong title ang writer ng show porke bayolente nga ang reaksyon ng fans dahil tunog-brand ng cosmetic ang pamagat na Shaido na pinakamalapit sa Shaider.
* * *
Tumaas ang kilay ng mga baklita na nakaka alam sa tunay na relasyon ng isang trying-hard actor at ng kanyang gay benefactor.
Idinenay ng aktor na may relasyon sila ng baklita. Magkaibigan lamang daw sila at dahil pa laging magkasama, nagmalisya ang ibang tao na meron silang relasyon.
Nag-react ang mga baklesh. Saksi raw sila sa magandang pagtitinginan ng aktor at ng gay benefactor.
Hindi raw bago sa aktor ang makipagrelasyon sa mga bading dahil naging boyfriend na siya ng mga sikat na gay personality.
Huwag na raw magmalinis ang aktor dahil ito mismo ang nagkukuwento sa kanyang mga kaibigan tungkol sa mga baklesh na nakarelasyon niya!