Halos tatlong taon ding naging magkarelasyon sina Joseph Bitangcol at Sandara Park. Maraming pinagdaanang kontrobersiya ang dalawa, pero sabay nilang ipinaglaban ang kanilang pagmamahalan.
Maraming nagsasabi noon na nakikisakay lang si Joseph sa kasikatan ni Sandy, pero ang nakalimutang isipin ng mga nagsasabi nun, nang maging pormal na magkarelasyon sina Joseph at Sandara ay nangulimlim na ang career ng Koreana.
Hindi parehas na sabihang nanggagamit lang ang binata dahil nung maging karelasyon sila ni Sandara ay siya pa nga ang sumalo ng lahat-lahat ng kalungkutan at depresyon ng batang aktres dahil sa pagtamlay ng career nito.
Sa balikat ni Sep umiiyak si Sandara, sa kanya nagsusumbong ng mga problema ang dalaga, kaya malaking sakripisyo ang pinagdaanan ni Joseph nung maging magkarelasyon sila.
Nag-break na sila nitong nakaraang linggo, hindi na mahalaga kung sino sa kanilang dalawa ang humiling ng paghihiwalay, ang mahalaga ay naghiwalay silang mahal pa rin nila ang isa’t isa.
Mahirap ang kanilang kalagayan ngayon dahil nasanay na sila na laging magkasama, parang kapamilya na ang turing ng pamilya ni Joseph sa dalaga, naging tungkod ni Sandy ang pamilya ng aktor nung mga panahong parang wala nang nagtitiwala sa kanya bilang artista.
Isang mapagkakatiwalaang source ang nagsabi sa amin na hindi na kinaya pa ni Joseph ang pagiging sumpungin at selosa ni Sandy, masyado na raw nitong sinasakal ang batang aktor, may kausapin lang o i-text na kasamahan nilang babae si Joseph ay nagiging mitsa na agad yun ng kanilang away.
“Palagi na lang ganun, binubuwisit niya palagi si Joseph sa kaseselos niya, kaya feeling nitong lalaki, wala na siyang right man lang na makipagkaibigan sa iba.
“Tama lang na may selosan paminsan-minsan, pero kapag sobra-sobra na, maiinis na ang lalaki. Gugustuhin na niyang na niyang lumabas sa relasyon, dahil wala naman palang tiwala sa kanya ang girlfriend niya!” sabi ng aming source.
* * *
Wala nang magagawa ngayon ang mga personalidad na pumasok sa Francswiss kundi ang magsisihan at manghinayang na lang. Sinisisi ng ilang artista ang kanilang upline, ang nag-recruit sa kanila para mamuhunan nang milyon sa Francswiss, pero ang sagot nito sa kanila ay pare-pareho lang naman silang naging biktima ng investment scam.
Kung ang taong yun ang itinuturing nilang upline at sila ang downline, natural lang na meron ding upline ang nag-recruit sa kanila, parang hindi matatapos ang argumento kung tutuntunin nila ang pinaka-ugat ng istorya.
May upline rin ang kanilang upline, ang upline naman ng kanilang upline ay may itinuturo ring upline, sino ngayon ang kanilang hahabulin para mabawi ang kanilang puhunan?
Balitang nagkakaroon pa ng hidwaan ngayon ang isang grupo ng mga artistang pumasok sa Francswiss, sinisisi nila ang isang aktres at isang aktor na humihikayat sa kanila para mamuhunan nang malaking halaga sa naturang negosyo, ang dalawang ito raw ang nangako sa kanila na anuman ang mangyari ay ligtas na ligtas ang kanilang puhunan. Dalawang komedyante rin ang nagkasaulian ng kandila nang dahil sa Francswiss na ito, kinuha ni Comedian A, ang dalawang libong dolyar ni Comedian B, siya na raw ang bahalang makipagtransaksyon para sa pera ni Comedian B.
Nung magkagulo na, tawag nang tawag si Comedian B sa kanyang kaibigan pero hindi na ito sinasagot ni Comedian A, nagduda tuloy ngayon ang komedyante na baka ibinulsa lang ni Comedian A ang kanyang pera at hindi naman ipinuhunan sa Francswiss.
Hanggang hindi nagpapakita ang kanyang kaibigan ay hindi mawawala sa utak ni comedian B ang pagdududa na baka sinunog lang ni Comedian A ang kanyang pera.
“Kung wala siyang dapat ikatakot, bakit ni hindi man lang niya ako tawagan? Meron bang nangyaring lokohan dito? Nanloko na nga ang Francswiss, pati ba naman siya, lolokohin pa rin ako?” sabi ng umaasang komedyante.