Ayon sa aming mapagkakatiwalaang source na nakilahok-namuhunan din sa isyung tinutukan ngayon ng mga otoridad, ang Francswiss scam, ay magtigil-tigil na raw ang mga artista diyan na naghuhugas kamay sa pagsasabing hindi sila naloko dahil nakabawi naman sila sa puhunang ipinasok nila sa Francswiss.
“Tantanan na nila ako, tigilan na nila ang pagsasabing hindi sila natalo, dahil lahat kami, naloko!” sabi ng aming impormante.
May dalawang artistang nagpasok ng tigdadalawampung libong dolyar sa Francswiss, talagang nakilahok sila sa malakihang negosyo dahil sa sobrang pagkaengganyo sa malaking halagang tinutubo ng kanilang kapital na maliit lang nung una.
Ang kalakaran pala ay $45 ang tinutubo ng bawat isang libong dolyar na ipapasok mo bilang puhunan sa Francswiss, kung dalawampung libong dolyar ang ipinasok ng dalawang artista sa naturang negosyo, araw-araw ay kumikita nang $900 dollars ang kanilang puhunan.
Mahigit na apatnapung libong piso kada araw ang ibig sabihin nun sa ating pera, kaya ang maliit na puhunan lang nung una ay dinagdagan pa nila, hanggang sa magpasok pa sila ng downline.
“Kapag ikaw ang nakapag-recruit, may 10% ka mula dun, kaya para makakuha sila ng ganung komisyon, nagpasok pa sila ng isang kapamilya nila para sila na rin ang makakuha ng 10% na commission,” pahayag pa ng aming source.
Nawindang ang dalawang personalidad nang sumabog ang isyu tungkol sa Francswiss investment scam, paano na ang kanilang puhunan, sino na ang kanilang hahabulin ngayon?
Ang kilala lang nila ay ang katransaksyon nila dito sa Pilipinas at hindi ang nakakatransaksyon ng kanilang kontak sa internet, sino ngayon ang kanilang hahabulin sa malaking halagang natalo sa kanila?
“Hindi ako nasaktan sa ipinuhunan ko, dahil from day one pa lang ng transaksyon, inilagay ko na sa utak ko na isang sugal ito. Sa sugal, may nananalo at natatalo, kaya ang inisip ko na lang noon, enjoy the commission while it last,” sabi ng aming impormante.
* * *
Pati ang pangalan ni Korina Sanchez ay lumutang na rin ngayon sa naturang scam, ayon sa isang ahente ng NBI na pinagsumbungan ng ilang kababayan nating natakbuhan, ginagawa raw pang-engganyo ng mga nakakausap nilang upline ang pangalan ng anchorwoman tungkol sa Francswiss.
Naisip siguro ng mga ito, kung ang isang palaban at matapang na newscaster na tulad ni Korina ay naengganyong mamuhunan sa Francswiss, papasok na rin ang mga ito dahil may isang matibay na pader na maaaring magtanggol sa kanila kapag may naganap na anomalya.
Pero nagpalabas na ng opisyal na pahayag si Korina tungkol sa isyu, ayon sa anchorwoman ay ginagamit lang ng Francswiss ang kanyang pangalan para makapag-engganyo ng mga mamumuhunan ang kumpanya, ibig sabihi’y hindi ito konektado sa Francswiss pero hindi naman nilinaw ng broadcaster kung naging biktima rin siya ng investment scam.
Malalaman natin ang kanyang posisyon sa kanyang pagbabalik sa bansa mula sa Amerika, kailangang malinawan ang kontrobersiyang ito, bago pa umabot sa kung saan-saan ang istorya.
Kung bakit naman kasi meron pa ring naniniwala sa malalaking halagang nakadrowing lang naman, meron ba namang negosyong matutulog ka lang nang magdamag nang hindi ka naman nagtatrabaho ay kikita na nang ganun kalaki, isang malaking panaginip lang ang ganun.
Pansamantala lang na tulad ng panaginip, dahil kapag nagising na tayo sa katotohanan ay mapapatunayan natin na isang malaking scam lang naman pala ang lahat, ni hindi natin alam kung sino ang ating hahabulin dahil makina lang naman ang ating nakatransaksyon.