Ang dapat sana’y gulo sa pagitan lang ng nagkahiwalay na mag-asawang Yilmaz Bektas at Ruffa Gutierrez ay nagkaroon na ng pagsasanga ngayon.
Damay na rin sa kontrobersiya si Dolly Ann Carvajal, hindi nagustuhan ng mag-inang Ruffa at Tita Annabelle Rama ang inilabas ni Dolly Ann sa kolum nito na may insinwasyong sangkot sa negosyo ng droga sa Istanbul ang pamilya ni Yilmaz, tinawag na bruhilda ng ina ni Ruffa si Dolly Ann.
Ayon kay Tita Annabelle ay tantanan na raw ni Dolly Ann ang pakikisawsaw sa isyu, ang mga baho na lang daw nito ang sulatin ni Dolly Ann sa kanyang kolum, hindi naman sumagot si Ruffa sa tanong dahil hindi raw sila magka-level ni Dolly Ann.
Ang inilabas ni Dolly Ann sa kolum nito ay isang balitang lumabas sa Turkey nung ikasal sina Yilmaz at Ruffa, isinalin lang sa Ingles ng kolumnista ang interpretasyon ng kuwento sa naturang pahayagan, na si Yilmaz nga ay may kuneksiyon sa mundo ng bentahan ng droga sa kanilang bansa.
Sa Istanbul nanggaling ang balita at hindi naman mismo kay Dolly Ann, pero hindi yun nagustuhan ng actress-beauty queen at ng kanyang pamilya, kaya si Dolly Ann ang nalalagay sa mainit na tubig ngayon.
Ganun talaga ang buhay ng mga manunulat, paminsan-minsan ay naiipit sila sa sitwasyong hindi naman nila gusto, hindi sa lahat ng panahon ay nauunawaan ng mga personalidad ang kanilang intensiyon na maghatid lang naman ng balita.
Pero isang araw ay magkakasundo rin ang magkabilang panig, sayang naman ang kanilang pinagsamahan, nung nabubuhay pa si Ate Luds (Inday Badiday) ay malapit ang pamilya Gutierrez sa namayapang broadcaster na ina ni Dolly Ann Carvajal.
Pero saludo kami sa pagiging edukada ni Ruffa Gutierrez, mula nung ipanganak ang isyu sa pagitan nila ni Yilmaz Bektas hanggang sa mga oras na ito ay literal niyang pinaiiral ang madalas nating sabihing grace under pressure, nagsasalita ang katalinuhan ng actress-beauty queen sa ginagawa niyang pagharap sa problema nila ni Yilmaz.
Sa kabila ng pananakit ni Yilmaz sa kanya ay kontrolado pa rin ni Ruffa ang kanyang emosyon, gusto niyang tapatan ng mga lumalatigo ring salita ang kanyang mister, pero ang kapakanan pa rin nina Lorin at Venice ang nakadikit sa kanyang isip.
Ihinanap pa rin niya ng katwiran ang pagtawag sa kanya ni Yilmaz ng traydor at Brutus, siguro raw ay nasasaktan lang sa ngayon ang kanyang asawa, kaya kung anu-ano ang mga sinasabi nito.
Tama ang matagal na naming impresyon kay Ruffa, hindi lang siya maganda sa panlabas, napakaganda rin ng kanyang kalooban.
* * *
Inis na inis ang kaibigan naming si Maricar Fernandez, may-ari ng isang pambatang eskwelahan sa Pateros, kina Wendy Valdez at Bruce Quebral ng Pinoy Big Brother Season 2.
Mula raw nung bumalik uli sa Bahay ni Kuya si Wendy ay hindi na siya nanonood ng nasabing reality show, sana raw ay pareho nang palabasin sa PBB house ang dalawang housemates, dahil hindi magandang ehemplo ang mga ito sa manonood.
Hindi lang si Maricar ang naaartehan kay Wendy, kung ilalabas namin sa kolum na ito ang mga tinatanggap naming komento ng ating mga kababayan laban kay Wendy ay baka sakupin namin ang lahat ng espasyo sa pahayagang ito, marami tayong kababayang nabubuwisit kay Wendy Valdez.
Pero kung aanalisahing mabuti ay positibo yun para sa dalaga, maraming nagpapapansing kalahok sa Bahay ni Kuya, pero si Wendy ang sinesentruhan ng publiko.
Ibig sabihi’y hawak ni Wendy ang mga katangian para sumikat siya, ang unang hakbang tungo sa pagiging popular ay ang interes ng publiko sa baguhan, sa puntong yun ay nakauungos na si Wendy sa labanan.
May dalawang magkakontrang katangian ang mga artistang sumisikat, kundi sila hinahangaan-nagugustuhan ay kinaiinisan naman sila, pasok si Wendy Valdez sa ikalawang katangian.